Ebanghelyo: Mateo 10:37-42
Ang mas nagmamahal sa kanyang ama o ina kaysa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. Ang mas nagmamahal sa kanyang anak kaysa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. At ang hindi nagpapasan ng kanyang krus at sumusunod sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. Ang nagpapahalaga sa kanyang sarili ang siyang mawawalan nito, at ang nawawalan naman ng kanyang sarili ang siyang makakatagpo nito. Kung may tumatanggap sa inyo, tinatanggap din niya ako; at kung may tumatanggap sa akin, tinatanggap din niya ang nagsugo sa akin. Kung may tumanggap sa isang propeta dahil propeta ito, tatanggapin niya ang gantimpalang bagay sa isang propeta; kung may tumanggap sa isang mabuting tao dahil marangal ito, tatanggapin niya ang gantimpalang bagay sa isang mabuting tao. Kung may magpainom ng malamig na tubig sa isa sa maliliit na ito dahil sa alagad ko ito, sinasabi kong hindi siya mananatiling walang gantimpala.”
Pagninilay
Sa ebanghelyo ngayon, tinuturo ni Jesus ang halaga ng pagiging tunay niyang alagad. Sinabi niya, “Ang umiibig sa ama o ina nang higit sa Akin ay hindi karapat-dapat sa Akin.” Ibig sabihin ba nito ay iiwanan na natin ang pangangailangan ng ating pamilya at sumunod tayo sa Diyos? Ibig sabihin ba ay tuwing araw ng Linggo ay pupunta na tayo sa simbahan maghapon upang maglingkod sa Banal na Misa habang ang mga anak at pamilya natin ay hindi man lamang natin naipagsaing o naipaghanda ng makakakain? Hindi ibig sabihin nito na hindi na natin dapat mahalin ang ating pamilya, kundi paalalala sa atin na sa ating bawat gawa at pagkilos, ang Diyos ang sentro at nangunguna. Ikalawa, ang pagiging alagad ni Kristo ay nangangahulugan ng pagtanggap ng sakripisyo. Sinabi bang Biyernes Santo? Hindi. Ito ang mga bagay na inilalaan na natin sa Diyos sa halip na ilaan natin sa ating sarili. Itong ganitong klaseng sakripisyo. Ito ay ang ating kahandaan na magmalasakit sa kapwa sa kabila ng ating mga pinagdadaanan din. Unahin ang pangangailangan ng nasa laylayan sa halip na unahin ang ating sariling kapakanan lamang. Ito ang “krus” na sinasabi ni Jesus. Tayo ay tinawag upang maglingkod at magmahal sa ating kapwa. Ang pagtanggap sa maliliit at nangangailangan ay pagtanggap rin kay Jesus mismo. Sa ating pang araw araw na buhay, inuuna ba natin ang Diyos sa ating mga desisyon? Kapag may pagsubok, pinaninindigan ba natin ang ating pananampalataya o nahuhulog na lamang tayo sa kasalanan? Handa ba tayong tumulong sa kapwa nang walang hinihintay na kapalit? Nawa’y ipakita natin sa ating buhay na tunay nating minamahal si Jesus sa pamamagitan ng ating pananampalataya, sakripisyo, at paglilingkod sa kapwa.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





