Ebanghelyo: Jn 15: 9-17
Kung paano ako minamahal ng Ama, gayon ko rin kayo minahal. Mamalagi kayo sa pagmamahal ko. Kung isasa-katuparan ninyo ang mga kautusan ko, mamamalagi kayo sa pagmamahal ko kung paanong isinakatuparan ko ang mga kautusan ng aking Ama at namamalagi sa kanyang pagmamahal. Sinabi ko sa inyo ang mga ito upang mapasainyo ang aking kagalakan at maging ganap ang inyong kagalakan. Ito ang kautusan ko: magmahalan kayo kung paano ko kayo minahal. Wala nang pagmamahal na hihigit pa sa pag-aalay ng sariling buhay alang-alang sa kanyang mga kaibigan. Mga kaibigan ko kayo kung ginagawa ninyo ang iniuutos ko sa inyo. Hindi ko na kayo tinatawag na mga lingkod sapagkat hindi alam ng lingkod ang ginagawa ng kanyang panginoon. Mga kaibigan naman ang turing ko sa inyo sapagkat ipinagbibigay-alam ko sa inyo lahat ng narinig ko mula sa aking Ama. Hindi kayo ang humirang sa akin, ako ang humirang sa inyo at nagtalaga sa inyo para humayo at mamunga, at mamalagi ang inyong bunga. At ipagkakaloob sa inyo anumang hingin n’yo sa Ama sa pangalan ko. “Iniuutos ko nga sa inyo: magmahalan kayo.”
Pagninilay
Sa Ebanghelyo, pinapaliwanag ni Jesus ang kaakibat na tungkulin ng Kanyang pagmamahal sa atin. Gaya nang kung paano niya ginampanan ang Kanyang tungkulin sa Ama dahil sa pagmamahal sa Kanya. Tunay, wala na ngang mas hihigit pa sa pagmamahal ng Diyos. Sinabi ni Jesus na dapat nating tularan ang Kanyang pagmamahal sa Ama. Malinaw at simple ang ibinigay Niya na mga patnubay kung paano manatili sa Kanyang pag-ibig. Ngunit hindi naman ito madali, tulad ni Jesus binigyan tayo ng kakayahang tularan Siya sa pamamagitan ng Banal na Espiritu. Sa Ikalawang pagbasa iniimbitahan tayo na mahalin natin ang Diyos sa pamamagitan ng pagmamahal natin sa bawat isa. Sa pamamagitan ng pagsisilbi at pagmamahal sa kapwa lang natin maipapakita ang tunay na pagmamahal sa Kanya. Sa ngalan ng pag-ibig lahat ay ating magagawa!
© Copyright Pang Araw-Araw 2024