Ebanghelyo: Jn 15: 26 — 16: 4a
Pagdating ng Tagapagtanggol na ipadadala ko sa inyo mula sa Ama, ang Espiritu ng katotohanan na nagmumula sa Ama, iyon ang magpapatunay tungkol sa akin. At magpapatunay din kayo sapagkat kasama ko kayo mula sa simula. Sinabi ko sa inyo ang lahat ng ito upang hindi kayo matisod at mahulog. Ititiwalag nila kayo sa kanilang komunidad, at may oras na sasapit na aakalain ng sinumang papatay sa inyo na pag-aalay ito ng pagsamba sa Diyos. At gagawin nila ang mga ito dahil hindi nila nakilala ang Ama ni ako. Kaya naman sinabi ko sa inyo ang lahat ng ito upang pagdating ng oras ay matandaan ninyong sinabi ko sa inyo ang mga ito.
Pagninilay
Sa Kanyang mga habilin, sinisiguro ni Jesus sa mga alagad na hindi sila dapat mabahala sa Kanyang paglisan. Hindi man nila nauunawaan kung paano makakatulong and Banal na Espiritu na Siyang magpapatuloy na magpapadama ng Kanyang Presensiya, sinisikap ni Jesus na bigyan sila ng kapanatagan ng loob sa pangakong hindi Niya sila pabababyaan. Ang pangako na ito ni Jesus ay tapat at para sa ating lahat. Sa pamamagitan ng Espiritu Santo mas mapapatunayan Niya ang Katauhan tungkol sa Kanya at Kanyang mga ginawa. Ito rin naman ang pangako ni Jesus sa atin at sa anumang mararanasan natin0 hamon sa buhay, lalong-lalo na sa ating paniniwala at pagpapalaganap tungkol Kanya. Dahil ang Espiritu rin ang Siyang gagabay sa atin at magpapatunay ng Kanyang mga Turo. Hinanda ni Jesus at pinaliwanag sa Kanyang mga alagad ang lahat na dapat nilang gawin; ang maaring mangyari sa kanilang pagpapalaganap ng Mabuting Balita, pati na ang tutulong sa kanila sa harap ng pagsubok. Ito ang nais ni Jesus na maunawaan natin.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024