Ebanghelyo: Jn 16: 16-20
Sandali pa at hindi n’yo na ako mapapansin, at sandali pa at makikita ninyo ako.” At sinabi ng kanyang mga alagad sa isa’t isa: “Ano itong sinasabi niya sa atin: ‘Sandali pa at hindi n’yo na ako mapapansin at sandali pa at makikita ninyo ako.’ At ‘Papunta ako sa Ama’?” At sinabi nila: “Ano ba itong sinasabi niyang ‘sandali’? Hindi natin maintindihan ang sinasabi niya.” Naintindihan ni Jesus na gusto nila siyang tanungin kaya sinabi niya sa kanila: “Nagtatanungan kayo tungkol dito dahil sinabi kong ‘Sandali pa at hindi n’yo na ako mapapansin, at sandali pa at makikita ninyo ako.’ Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, iiyak kayo at tataghoy, at magagalak naman ang mundo. Maninimdim kayo ngunit magiging kagalakan ang inyong paninimdim.
Pagninilay
Nabagabag muli ang mga disipulo sa sinasabi ni Jesus. Kakatapos lang nilang makaramdam ng pag-asa at siguridad sa Kanyang muling pagkabuhay, at ngayon muli Siyang namamaalam sa kanila. Parang pinatikim lang sila ng panandaliang kaligayahan na muli nila Siyang makakasama. Ngunit para mas maging matatag at lubos ang kanilang pananampalataya, kailangan ni Jesus na lumisan at mapatunayan ng mga disipulo ang kanilang kahandaan sa mga gawain nang pagpapalaganap ng Kanyang mga turo. Ito rin ang nais ni Jesus, na ating makamtan at gawin. Pagkatapos nating maranasan ang kaligayahang maramdaman ang Kanyang presensiya, kailangang patuloy nating ipakita sa Kanya sa pang-araw-araw nating buhay ang tunay nating pananampalataya. At sa panahon na parang malayo Siya sa atin, sa panahon ng pagsubok at pagtatangis; at tayo’y patuloy na sinasabuhay ang Kanyang mga Salita, nawa’y muli nating makamtan ang mas malalim na kagalakan. Kailangan nating magtiyaga lalong lalo na sa oras ng kagipitan at pighati. Doon natin maipapakita ang ating tunay na pag-ibig sa Kanya.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024