Ebanghelyo: Mc 9: 30-37
Umalis sila roon at nagsimulang dumaan sa Galilea. Gusto niya na walang sinumang makaalam sapagkat tinuturuan niya ang kanyang mga alagad. At sinabi niya sa kanila: “Ibibigay ang Anak ng Tao sa kamay ng mga tao. Papatayin nila siya ngunit pagkapatay nila sa kanya, babangon siya sa ikatlong araw.“ Kaya lubha silang nalungkot. Hindi nila ito naintindihan at hindi rin sila nangahas magtanong sa kanya. Pagdating nila sa Capernaum, nang nasa bahay na siya, tinanong niya sila: “Ano ang pinag-uusapan ninyo sa daan?“ At hindi sila umimik; pinagtatalunan nga nila sa daan kung sino ang mas una. Kaya naupo siya at pagkatawag sa Labindalawa ay sinabi sa kanila: “Kung may gustong mauna, maging huli siya sa lahat at lingkod ng lahat.“ At pagkakuha niya sa isang maliit na bata, pinatayo ito sa gitna nila at inakbayan at saka sinabi sa kanila: “Ang sinumang tumanggap sa isa sa mga batang ito nang dahil sa aking pangalan ay tumatanggap sa akin. At ang tumatanggap sa akin ay hindi ako ang tinatanggap kundi ang nagsugo sa akin.“
Pagninilay
Sa ating Ebanghelyo, inihayag ni Jesus ang mangyayari sa Kanya: na siya ay magdurusa, mamamatay na magdudulot ng kalungkutan. Sa kabila naman nito, may ibang pinagkaabalahan ang mga disipulo; kung sino sa kanila ang mas mauuna o pinakamahalaga kay Jesus. Ang ipinakita ni Jesus sa kanila bilang sagot sa kanilang paghahangad nang isang mataas na posisyon ay salungat sa kanilang pananaw. Sa pamamagitan ng bata na sumisimbolo ng kahinaan at mababang estado sa lipunan, pinakita na ang daan tungo sa langit ay ang pagsisilbi sa mga mababang tao sa lipunan “Ang sinumang tumatanggap sa isa sa maliliit na bata na ito sa aking pangalan ay tinatanggap ako.” Bilang tagasunod ni Kristo, pinapaalala ng Ebanghelyo na hanapin natin si Jesus at pagsilbihan sa mga taong nasa laylayan ng lipunan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024