Ebanghelyo: Juan 17:20-26
Hindi lamang sila ang ipinapakiusap ko kundi pati ang mga nananalig sa akin sa pamamagitan ng kanilang salita. Maging iisa sana ang lahat kung paanong nasa akin ka, Ama, at ako’y nasa ‘yo. Mapasaatin din sana sila upang maniwala ang mundo na ikaw ang nagsugo sa akin. Ibinigay ko naman sa kanila ang luwalhating ibinigay mo sa akin upang maging isa sila gaya nang tayo’y iisa: ako sa kanila at ikaw sa akin. Kaya magaganap sila sa kaisahan, at makikilala ng mundo na ikaw ang nagsugo sa akin, at minahal ko sila kung paanong minahal mo ako. Ama, sila ang ibinigay mo sa akin kaya niloloob kong kung nasaan ako’y makasama ko rin sila at mapansin nila ang bigay mo sa aking kaluwalhatian ko sapagkat minahal mo ako bago pa man nagkaroon ng mundo. Makatarungang Ama, hindi ka kilala ng mundo: kilala naman kita at kilala rin ng mga ito na ikaw ang nagsugo sa akin. Ipinagbigay-alam ko sa kanila ang Ngalan mo at ipinagbibigay-alam pa upang mapasakanila ang pagmamahal mo sa akin at ako ri’y mapasakanila.”
Pagninilay
Ang ebanghelyo ngayon ay nagpapaalala na tayo ay galing sa Diyos at babalik din sa kanya. Upang ito ay matupad kailangan natin si Jesus, na siyang tagapamagitan sa atin at sa Ama. Si Jesus ang natatanging tinig ng Ama na nararapat nating pakinggan. Siya ang tunay na daan, katotohanan at ang buhay. Ang sinumang nananalig sa kanya ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan kapiling ng Ama na nasa langit. Siya ang pag-ibig ng Diyos na nagkawatang-tao upang higit nating makilala ang Diyos ng lubusan. Sa madaling salita, tayo ay may halaga o puwang sa Diyos sapagkat tayo ay kanyang mga anak. Siya ang Ama na ni minsan ay hindi tayo pinabayaan. Nawa ang ebanghelyo ngayon ay maging daan upang mapalapit tayo sa Ama at mahalin natin siya ng buong puso gaya ng pagmamahal niya sa atin.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020