Ebanghelyo: Lucas 19:1-10
Pumasok si Jesus sa Jerico at dumaan sa siyudad. At may isang taong nagngangalang Zakeo. Pinuno siya ng mga kolektor ng buwis at napakayaman. Sinikap niyang makita kung sino si Jesus pero pandak siya at hindi niya magawa dahil sa dami ng mga tao. Kaya patakbo siyang umuna at umakyat sa isang punong-malaigos para makita si Jesus pagdaan doon. Pagdating ni Jesus sa lugar na iyon, tumingala siya at sinabi sa kanya: “Zakeo, bumaba ka agad. Sa bahay mo nga ako dapat tumigil ngayon.” Nagmamadali siyang bumaba at tuwang-tuwang tinanggap si Jesus. Inireklamo naman sa isa’t isa ng lahat ng nakakita rito: “Sa bahay ng isang lalaking makasalanan siya nakituloy.” Ngunit tumayo si Zakeo at sinabi sa Panginoon: “Panginoon, ibibigay ko sa mga dukha ang kalahati ng aking mga ari-arian; at kung may nadaya ako, apat na beses ko siyang babayaran.” At sinabi sa kanya ni Jesus: “Dumating ngayon ang kaligtasan sa sambahayang ito dahil anak nga ni Abraham ang taong ito. At dumating ang Anak ng Tao para hanapin at iligtas ang nawawala.”
Pagninilay
Nakakamangha ang dakilang awa ni Jesus. Bukas ang kanyang puso sa kahit sinumang nagnanais na lumapit sa kanya’t magbagong buhay tulad ni Zakeo, na kilala bilang isang ‘di tapat na kolektor ng buwis. Hindi naging hadlang ang kanyang kaliitan upang makita si Jesús, na siyang nagbigay daan sa kanyang pagbabago’t kaligtasan. Marahil ay may mga taong katulad ni Zakeo na kakilala natin. Paano ba natin sila tinatanggap at binibigyan ng panibagong pagkakataon na bumalik sa Diyos at sa ating sambayanang Kristyano nang hindi humahatol sa kanilang kasalanan? Tayong lahat ay makasalanan at tanging ang Diyos lamang ang maaaring magligtas sa atin.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020