Ebanghelyo: Lucas 19:45-48
Pumasok si Jesus sa patyo ng Templo at pinalayas ang mga nagtitinda, at sinabi Niya: “Nasusulat: ‘Magiging bahay-dalanginan ang aking bahay,’ pero ginawa ninyong pugad ng mga magnanakaw!” Araw-araw na nangangaral si Jesus sa Templo. Hangad siyang patayin ng mga punong-pari at mga guro ng Batas, kasama ang mga Matatanda ng bayan. Ngunit wala silang magawa dahil taimtim na nakikinig sa Kanya ang buong bayan.Pagninilay
Maraming naghahangad na patayin si Jesus. Sa makabagong panahon, nananatili pa rin ang mga “punong pari, mga guro ng Batas at ang mga matatanda ng bayan.” Maraming naghahangad na patayin ang ating pananampalataya kay Jesus. Maaari tayong lamunin ng materyalismo, huwad na paniniwala, kasakiman sa kapangyarihan at katanyagan o maging ang luho ng katawan at ng lahat ng nagbubunsod sa atin sa kasalanan at naglalayo sa atin kay Jesus. Isang paraan ang ipinamalas ng bayan sa harap ng mga gustong pumatay kay Jesus: “Ngunit wala silang magawa dahil taimtim na nakikinig sa Kanya ang buong bayan.” Taimtim din ba tayong nakikinig sa Kanya? Patuloy na nangungusap si Jesus sa Banal na Kasulatan, sa Eukaristiya, sa ating mga panalangin, sa kaganapan sa kapaligiran at sa napakarami pang paraan. Taimtim din sana tayong makinig sa Kanya.© Copyright Pang Araw-Araw 2019