Ebanghelyo: Lucas 13:18-21
Sinabi pa ni Jesus: “Ano ang katulad ng kaharian ng Diyos? Sa ano ito maikukumpara? Tulad ito sa buto ng mustasa na kinuha ng isang tao at itinanim sa Kanyang hardin: lumaki, naging parang puno at sumisilong sa Kanyang mga sanga ang mga ibon ng langit.” At sinabi Niya uli: “Sa ano ko ikukumpara ang kaharian ng Diyos? Katulad ito ng lebadura na kinuha ng isang babae at ibinaon sa tatlong takal ng harina hanggang umalsa ang buong masa.”Pagninilay
Kadalasang nagmumula sa maliit ang dakilang bagay. Sa maliit na buto nagmula ang puno ng mustasa na sinisilungan ng mga ibon. Sa maliit na takal ng lebadura nagmula ang malaking masa ng tinapay. Ang Kaharian ng Diyos ay katulad din nito. Nabibilang sa maliliit sa lipunan ang Kaharian: sa mahihina, mahihirap at nasa laylayan ng lipunan. Sila ang lilingapin at i-aangat ng Diyos. Hindi katakataka kung bakit hinimok ni Jesus ang Kanyang mga alagad na tularan ang maliliit na bata kung nais nilang mapabilang sa Kaharian ng Diyos (Mk 10:15). Panginoon, gawin mo kaming mapagpakumbabang tanggapin ang maliliit at mahihina sa aming lipunan at ituring ang aming mga sarili katulad nila upang mapabilang kami sa iyong Kaharian.© Copyright Pang Araw-Araw 2019