Ebanghelyo: Lucas 13:22-30
Dumaan si Jesus sa mga lunsod at mga nayon, na nagangaral habang papunta Siya sa Jerusalem. May nagtanong sa Kanya: “Panginoon, kakaunti nga ba ang maliligtas?” At sinabi ni Jesus sa mga tao: “Magpumilit kayong pumasok sa makipot na pintuan sapagkat sinasabi ko sa inyo: marami ang gustong pumasok at di makapapasok. Kapag tumindig na ang may-ari ng bahay at naisara na ang pinto, tatayo kayo sa labas na kumakatok at magsasabing ‘Panginoon, buksan mo kami.’ Sasagot naman Siya sa inyo: ‘Hindi ko alam kung tagasaan kayo.’ Kaya sasabihin ninyo: ‘Kami ang kumain at uminom na kasalo mo, at sa aming mga lansangan ka nangaral.’ Pero sasagutin Niya kayo: ‘Hindi ko alam kung tagasaan kayo. Lumayo sa akin, kayong mga gumagawa ng masama.’ Naroon ang iyakan at pagngangalit ng mga ngipin pagkakita ninyo kina Abraham, Isaac, Jacob at sa lahat ng propeta sa kaharian ng Diyos, at ipagtatabuyan naman kayo sa labas. At makikisalo naman sa Kaharian ng Diyos ang mga darating mula sa silangan, kanluran, timog at hilaga. Oo, may mga huli ngayon na mauuna at may mga una na mahuhuli.Pagninilay
Sa halip na sagutin ang tanong kung totoong kaunti lang ang maliligtas, hinamon ni Jesus ang mga tao na sikaping makapasok sa makipot na pintuan. Hindi nga ba sapat na makinig sa Kanyang mga salita at makisalo sa Kanya sa hapag? Itinaboy ng maybahay ang mga “gumagawa ng masama” kahit na sila’y nakinig ng pangaral sa lansangan. Ang pumasok sa makipot na pintuan ay ang maging alipin ng kabutihan. Ang ating pakikinig sa Salita ng Diyos at pakikibahagi sa hapag ng Eukaristiya ay marapat na magdala sa atin patungo sa paggawa ng kabutihan sa ating kapwa lalo na sa higit na nangangailangan. Handa ba tayong pumasok sa makipot na pintuan?© Copyright Pang Araw-Araw 2019