Ebanghelyo: Marcos 6:1-6
Pagkaalis ni Jesus sa lugar na iyon, pumunta siya sa kanyang bayan, kasama ng kanyang mga alagad. Nang sumapit ang Araw ng Pahinga, nagsimula siyang magturo sa sinagoga. Namangha silang lahat at nagsabi: “Ano’t nangyari sa kanya ang lahat ng ito? Saan kaya galing ang karunungang ito na ipinagkaloob sa kanya, at saan din kaya galing ang mga himalang ito na nagagawa ng kanyang mga kamay? Di ba’t siya ang karpintero? Ang anak ni Maria at kapatid nina Jaime, Jose, Simon at Judas? Hindi ba’t narito sa piling natin ang lahat niyang kapatid na babae?” At bulag sila tungkol sa kanya.
Sinabi naman sa kanila ni Jesus: “Sa kanyang sariling bayan lamang, sa sariling kamag-anakan at sambahayan hinahamak ang isang propeta.” At hindi niya nakayang gumawa ng himala roon. Ilang maysakit lamang ang pinagaling niya sa pagpapatong ng kamay. At namangha siya sa kawalan nila ng paniniwala.
Pagninilay
Madali tayong maniwala at magtiwala sa mga taong tinatawag nating disente at kagalang-galang. Subalit kadalasan, ang sukatan natin ng kung sino ang kagalang-galang ay yaong mga may maayos na kasuotan, pormal ang dating, may mataas na pinag-aralan, magaling magsalita at marunong ng wikang banyaga. Ayon pa nga sa isang social experiment, madaling mag-abot ng tulong ang mga tao sa isang taong “kagalang-galang” na nangangailangan ng pera kaysa sa isang tunay na mahirap na nangangailangan. Bakit kung minsa’y madaling paniwalaan ang iba kaysa sa lubos na kakilala? Hindi kaya dahil nangingibabaw pa rin na sukatan ang panlabas na nakikita? Nawa’y maging bukás ang ating mga mata upang makita ang kalooban ng tao at hindi maging mapanghusga.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021