Ebanghelyo: Mateo 6:1-6, 16-18
Pag-ingatang huwag maging pakitangtao lamang ang inyong mabubuting gawa. Kung ganito ang gagawin ninyo, wala na kayong gantimpala sa inyong Amang nasa langit. Kaya pag nagbibigay ka ng limos, huwag pahipan ang trumpeta sa unahan gaya ng ginagawa ng mga mapagkunwari sa sinagoga at sa mga daan; gusto nilang mapuri ng mga tao. Sinisiguro ko sa inyo na nagantimpalaan na sila nang husto. Kaya kung ikaw naman ang magbibigay ng limos, huwag ipaalam sa iyong kaliwang kamay ang ginagawa ng iyong kanang kamay; at mananatiling lihim ang iyong paglilimos at ang iyong Amang nakakakita sa mga lihim ang siyang gagantimpala sa iyo. Kung mananalangin kayo, huwag ninyong tularan ang mga mapagkunwari. Gustunggusto nilang tumayo sa mga sinagoga o sa mga daan para manalangin nang nakikita ng marami. Sinisiguro ko sa inyo na nagantimpalaan na sila nang husto. At kung ikaw naman ang mananalangin, pumasok sa iyong silid, isara ang pinto at manalangin sa iyong Ama na kasama mo nang lihim; at ang iyong Ama na nakakakita sa ipinaglilihim ang gagantimpala sa iyo. Pag mag-aayuno kayo, huwag magpakita ng lungkot sa mukha gaya ng mga mapagkunwari. Nagpapakita sila ng lungkot sa mukha para makita ng tao na nagaayuno sila. Talagang sinasabi ko sa inyo na nagantimpalaan na sila nang husto. Kung ikaw naman ang mag-aayuno, maghilamos at ayusin ang sarili sapagkat hindi ka nagaayuno para pakitang-tao lamang kundi para sa iyong Amang nakakakita sa lahat. At gagantimpalaan ka ng iyong Amang nakakakita sa lahat ng lihim.
Pagninilay
“Pag-ingatang huwag maging pakitang-tao lamang ang inyong mabubuting gawa.” Ang maging pakitang-tao ay ang kumilos upang makaakit ng atensyon o paghanga mula sa iba. Ibig sabihin, siya ay gumagawa lamang ng mabuti dahil mayroon siyang makukuhang kapalit, may interes, may nais na makamit na hindi para sa iba kundi para lamang sa sarili. Ang ganitong gawi, lalo na ang panggagamit ng kapwa para sa pansariling interes, ay tila nagiging kalakaran sa pulitika, ekonomiya, at lipunan. Minsan ginaganahan lang tayong magbigay o mag-alok ng tulong, hindi dahil gusto nating magbahagi, pero upang makita tayo at mapuri. Sa panahon ngayon na may social media, sa kagustuhan natin na makilala, minsan hindi tayo nagiging totoo sa sarili at ibang imahe ang ipinapakita natin. Sa ebanghelyo, narinig din nating sinabi na mas mainam pa ang gumawa ng mabuti ng patago, yung hindi ka nakikilala o nalalaman kundi si Jesus. Sa gayong pagkakataon, ang nakakaalam at magpupuri sa iyo ay hindi kapwa mo tao kundi ang Diyos na nakakakita sa lahat ng ating ginagawa. Sa ating mga gawain sa araw-araw ngayong Kuwaresma, nawa’y huwag tayong madala ng tukso ng pagkukunwari. Ang pagkukunwari ay hindi magdadala sa atin sa langit. Laging nakikita ng Panginoon kung ano ang pinakamaganda sa atin, lalo na ang kabutihan sa ating puso na maaaaring hindi nakikita ng kapwa natin.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





