Ebanghelyo: Mateo 9:14-15
Noo’y lumapit sa kanya ang mga alagad ni Juan at nagtanong: “May araw ng ayuno kami at ang mga Pariseo, at wala bang pag-aayuno ang iyong mga alagad?”
Sinagot sila ni Jesus: “Puwede bang magluksa ang mga abay sa kasalan habang kasama pa nila ang nobyo? Darating ang panahon na aagawin sa kanila ang nobyo at sa araw na iyon sila mag-aayuno.
Pagninilay
Pawang kabutihang loob at awa ang hatid ng presensya ni Jesus sa ating buhay. Tuwa at kagalakan ang ating nararamdaman kung tayo’y malapit sa kanya. Hindi nga ba’t sinasabi nating kapiling natin ang Panginoon sa tuwing naghahari ang pagmamahalan at pagkakasunduan. Sa kabaligtaran naman, sa panahon ng kaguluhan at digmaan sanhi ng kasakiman at kapalaluan, sa panahong nasisira ang kalikasan sanhi ng pangaabuso, sa matinding kahirapan at kawalang hustisya, sa mga panahong ito masasabi nating tila hindi nagpaparamdam ang Diyos. Subalit sa mga panahon ding ito na wala ang ikakasal, dito marapat na mag-ayuno ang mga abay. Ito ang ayunong dapat simulan, “na kalagin ang mga tali ng kasamaan, pagaanin ang mga pasan at papaging layain ang napipighati at alisin ang lahat na atang.” (Isaias 58:6)
© Copyright Pang Araw-Araw 2021