Ebanghelyo: Lucas 17:26-37
Tulad ng nangyari sa panahon ni Noe, gayundin sa mga araw ng Anak ng Tao. Kumakain sila at umiinom, nag-aasawa ang mga lalaki at mga babae, hanggang sa araw na pumasok si Noe sa daong at dumating ang Baha na pumuksa sa lahat. Tulad sa panahon ni Lot: kumakain sila at umiinom, nagtitinda at namimili, nagtatanim at nagtatayo. At nang lumabas si Lot mula sa Sodom, nagpaulan ang Diyos mula sa langit ng apoy at asupre na pumuksa sa lahat. Ganito rin sa araw na ibubunyag ang Anak ng Tao. Sa araw na iyon, huwag nang bumaba pa sa bahay ang nasa terasa para kunin ang kanyang mga gamit at huwag nang umuwi pa ang nasa bukid. Alalahanin ninyo ang asawa ni Lot. Ang sinumang magsikap na magligtas ng sarili ay mawawalan nito, at ang mawawalan naman ng sarili ang magsisilang nito sa buhay. Sinasabi ko sa inyo: kung may dalawa sa isang higaan sa gabing iyon, dadalhin ang isa at iiwan ang isa pa; kung may dalawang babaeng magkasamang gumigiling, dadalhin ang isa at iiwan ang isa pa.” At itinanong naman nila: “Saan, Panginoon?” Sumagot siya. “Kung nasaan ang katawan, doon nagtitipon ang mga buwitre.”
Pagninilay
Maraming naniniwala na malapit na ang katapusan ng mundo dahil sa napakaraming mga nagaganap na ‘di kanais-nais na mga trahedya’t mga kalamidad saan mang dako ng mundo. Ngunit hindi dapat takot ang maghari sa atin kundi ang pagiging handa sa kanyang pagdating. Sa araw araw ng buhay natin, asahan natin ang pagdating ng Panginoon lalo na ang mga bagay na nagpapaalala sa atin na tayo’y mga anak ng Diyos. Lagi sana nating tandaan na sa Kanya tayo galing at sa Kanya rin tayo babalik pagdating ng takdang panahon. Mabuhay nawa tayo na bukas ang ating mga puso’t diwa sa presensiya ng Diyos at sa kanyang kaharian.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020