Ebanghelyo: Juan 1:1-18
Sa simula’y naroroon na nga ang Wikang Salita, at naroroong kaharap ng Diyos ang Salita, at Diyos ang Salita. Naroroon na nga siyang kaharap ng Diyos sa simula. Sa pamamagitan niya nayari tanang mga bagay, at hiwalay sa kanya’y walang anumang nayari. Ang niyari ay sa kanya nagkabuhay, at ang buhay ang liwanag para sa mga tao. Nagningning sa karimlan ang liwanag at di ito nasugpo ng karimlan. May taong sugo ang Diyos – Juan ang kanyang pangalan. Dumating siya para sa pagpapatunay, para magpatunay tungkol sa Liwanag, upang makapanalig ang lahat sa pamamagitan niya. Hindi siya mismo ang Liwanag, kundi para magpatunay tungkol sa Liwanag. Pagkat paparating noon sa mundo ang Liwanag na totoo na siyang nagliliwanag sa bawat tao. Nasa mundo na nga siya, ang mundong nayari sa pamamagitan niya, at di naman siya kinilala ng mundo. Sa sariling kanya siya dumating at hindi siya tinanggap ng mga kanya. Ngunit sa lahat ng tumanggap sa kanya sa pananalig sa kanyang Pangalan, binigyang-kakayahan nga niya sila na maging mga anak ng Diyos. Ipinanganak nga sila, hindi mula sa dugo, ni mula sa kagustuhan ng laman, ni sa kagustuhan ng lalaki kundi mula sa Diyos. At naging laman ang Wikang-Salita, at itinayo ang kanyan Tolda sa atin, at nakita natin ang kanyang Luwalhati. Luwalhating mula sa Ama na bagay sa bugtong na Anak, lipos ng Kagandahang-loob at Katotohanan. Nagpapatunay sa kanya si Juan at isinisigaw: “Siya ang sinabi kong ‘Nauna na sa akin ang dumating na kasunod ko, pagkat bago ako’y siya na’.” Mula sa kanyang kapuspusan nga tumanggap tayong lahat oo, abut-abot na kagandahang-loob.
Sa pamamagitan ni Moises ibinigay ang Batas, sa pamamagitan naman ni Jesucristo dumating ang Kagandahangloob at Katotohanan. Kailanma’y walang sinumang nakakita sa Diyos; ang Diyos na Anak na bugtong siyang nasa kandungan ng Ama ang nagpahayag sa kanya.
Pagninilay
Naranasan mo na bang maisnab, hindi pinansin, o mas matindi, tuwirang ni-reject? Ano ang gagawin mo? Magtatampo, magmumukmok, magagalit, maghihiganti? Paano kung ang Maylikha sa tao ay ni-reject ng taong Kanyang nilikha? Yan ang sinasabi sa Ebanghelyo: “Nasa mundo na nga Siya, ang mundong nayari sa pamamagitanNiya, at di naman Siya kinilala ng mundo. Sa sariling Kanya Siya dumating at hindi Siya tinanggap ng mga Kanya.” Kawawa naman ang Diyos. Ni-reject ng Kanyang mga nilikha. Ito ay nagaganap sa tuwing tayo ay nagkakasala. Tayo rin pala ang binabanggit ni San Juan.
Pero meron din namang tumanggap sa Kanya. Sinabi sa Ebanghelyo: “Ngunit sa lahat ng tumanggap sa kanya sa pananalig sa kanyang Pangalan, binigyang-kakayahan nga niya sila na maging mga anak ng Diyos.” Kaya ba nating pangatawanan at kumilos bilang mga anak ng Diyos? Paano yon? Tumulong kahit nahihirapan. Magpatawad kahit ayaw. Kumilos kahit natatakot at magmahal kahit hindi karapatdapat ang mamahalin. Bilang tao hindi natin kaya. Pero nakakaya natin dahil hinahayaan nating Diyos na ang kumilos sa atin. Tayo na rin ang magtataka, tayo na rin ang masosorpresa. Diyos na kasi ang kumikilos. Yan ang anak ng Diyos!
© Copyright Pang Araw-Araw 2022





