Ebanghelyo: Lucas 2:16-21
Kaya nagmamadali silang pumunta at natagpuan nila si Maria at si Jose at ang sanggol na nakahiga sa sabsaban. Pagkakita rito, pinatotohanan nila ang pahayag na binigkas sa kanila tungkol sa batang ito. Namangha rin ang mga nakarinig sa mga sinasabi ng pastol sa kanila.
Iningatan naman ni Maria ang mga ito at pinagnilaynilay sa Kanyang puso. Umuwi ang mga pastol na niluluwalhati at pinupuri ang Diyos dahil nakita nila ang lahat ng kanilang narinig ayon sa ipinasabi sa kanila.
Pagsapit ng ikawalong araw, kailangan nang tuliin ang bata; noon Siya pinangalanang Jesus, ang itinawag sa Kanya ng anghel bago pa Siya ipinaglihi.
Pagninilay
Ibinalita ng anghel sa mga pastol na ipinanganak na ang kanilang matagal na hinihintay. Labis ang kagalakan sa payak nilang mga puso. Ang kagalakang ito ang naglalarawan sa mga dukhang siyang tumanggap kay Jesus sa kanilang mga puso. Ang lahat ng ito ay iningatan ni Maria sa kanyang puso kalakip ang misyon bilang piniling ina ng Anak ng Diyos. Buong pananalig na inalay ni Maria ang kanyang sarili sa misyong inatas sa kanya ng Diyos. Si Jose, Maria, at ang mga pastol ang larawan ng puso ng mga dukha na tumanggap at nagtiwala sa planong kaligtasan ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang anak na si Jesus.
Sa pasimula ng Bagong Taon, ipinagdiriwang natin ang Dakilang Kapiyestahan ni Maria, ang Ina ng Diyos, isang dukhang pinili para sa plano ng kaligtasan. Tulad ni Maria, ang bawat isa sa atin na tumanggap kay Jesus ay may kaugnayan sa planong ito ng Diyos. Nawa’y matunghayan natin ang presensya ni Jesus sa bawat araw ng bagong taong ito, at tulad ng mga pastol, nawa’y magalak tayo sa pagpapahayag ng Mabuting Balita sa ating mga salita at halimbawa upang mapuno tayo sa grasya ng Diyos.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023