Ebanghelyo: Juan 1:19-28
Ito ang pagpapatunay ni Juan nang papuntahin sa kanya ng mga Judio ang ilang mga pari at Levita mula sa Jerusalem para tanungin siya: “Sino ka?” Inako niya di ipinagkaila, inako nga niyang “Hindi ako ang Kristo.”
At tinanong nila siya: “Ano ka kung gayon? Si Elias ka ba?” At sinabi niya: “Hindi.” “Ang Propeta ka ba?” Isinagot naman niya: “Hindi” Kaya sinabi nila sa kanya: “Sino ka ba? Para may maisagot kami sa mga nagpapunta sa amin. Ano ba ang masasabi mo tungkol sa ‘yong sarili?”
Sumagot siya gaya ng sinabi ni Propeta Isaias:
“Tinig ako ng isang sumisigaw sa disyerto:
Tuwirin ang daan ng Panginoon.”
May mga pinapunta mula sa mga Pariseo. At tinanong nila siya: “Eh, ba’t ka nagbibinyag kung hindi ikaw ang Kristo, ni si Elias, ni ang Propeta?” Sinagot sila ni Juan: “Sa tubig ako nagbibinyag ngunit may nakatayo sa piling ninyo na hindi n’yo kilala. Siya ang dumating na kasunod ko pero hindi ako karapat-dapat magkalag ng panali ng kanyang panyapak.”
Sa Betaraba nangyari ang mga ito, sa kabilang-ibayo ng Jordan na pinagbibinyagan ni Juan.
Pagninilay
Si Juan ang huling propeta na naghanda sa daraanan ng pagdating ni Jesus, ang Mesiyas. Kanyang mensahe ang pagtuwid sa daraanan ng Panginoon. Ito rin ang hamon sa ating lahat, ang pagtuwid sa daraanan ng Panginoon sa pamamagitan ng ating pagsusumikap na maging mabuti. Ang ating pagiging binyagan ang nagpapaalala sa atin na tayo’y natubos na sa kamatayan kasama si Kristo ngunit inaanyayahang manatiling malinis sa daan ng kabutihan. Ang ating pagiging saksi kay Kristo sa bawat araw ng ating buhay ay isang mainam na pagpapahayag ng Mabuting Balita sa ating mga kapatid, lalo’t higit ang mga pinanghihinaan sa kanilang pananalig.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023