Ebanghelyo: Jn 21: 15-19
Pagkapag-almusal nila, sinabi ni Jesus kay Simon Pedro: “Simon, anak ni Juan, mahal mo ba ako nang higit sa pagmamahal nila?” Sinabi nito sa kanya: “Oo, Panginoon, ikaw ang nakaaalam na iniibig kita.” Sinabi sa kanya: “Pakanin mo ang aking mga kordero.” Sinabi sa kanyang makalawa: “Simon, anak ni Juan, mahal mo ba ako?” Sinabi nito sa kanya: “Oo, Panginoon, ikaw ang nakaaalam na iniibig kita.” Sinabi sa kanya: “Ipastol ang aking mga tupa.” Sinabi sa kanyang makaitlo: “Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako?” Nalungkot na si Pedro dahil makaitlo siyang sinabihan: “Iniibig mo ba ako?” kaya sinabi niya: “Panginoon, ikaw ang nakaaalam ng lahat; alam mong iniibig kita.” Sinabi nito sa kanya: “Pakanin mo ang aking mga tupa. Talagang-talagang sinasabi ko sa iyo, nang bata-bata ka pa, ikaw mismo ang nagbibigkis sa iyong sarili at palakad-lakad ka saan mo man naisin. Ngunit pagtanda mo’y ididipa mo naman ang mga kamay mo, at iba ang magbibigkis sa iyo sa hindi mo nais.” Sinabi ito ni Jesus sa pagbibigaytanda sa paraan ng kamatayang ipanluluwalhati ni Pedro sa Diyos. At pagkatapos nito ay sinabi niya: “Sumunod ka sa akin!
Pagninilay
Sa tatlong beses na paulitulit na pagtatanong ni Jesus kay Pedro tungkol sa kanyang pagmamahal, tila hindi Siya sigurado kung gaano katotoo ang pagmamahal ni Pedro sa Kanya. Ngunit sa Kanyang paulit-ulit na pagtatanong, nais lamang ni Jesus na maunawaan mismo ni Pedro kung ano ang kahulugan at saan hahantong ang kanyang pagmamahal sa Kanya. Hindi sapat ang magsabi ng “Mahal Kita!”, kailangang patunayan ito sa gawa at hindi lang sa panahon ng kasayahan, ngunit lalong-lalo na sa pagkakataon na kung saan kinakailangang isantabi ang sariling kapakanan at magbuwis ng buhay. Ang di-makasariling pagibig ay ganap na nakatuon sa ikabubuti ng iba para sa kanilang sariling kapakanan. Kaya’t nang maging mulat si Pedro sa kung ano ang kanyang pinapahayag na pagmamahal kay Jesus, ibinigay agad sa kanya ang tungkulin na dapat niyang gawin upang maipamalas niya ito sa kapwa. Ibinigay ni Jesus kay Pedro ang kanyang misyon – upang maging mabuting pastol. Batid mo ba kung ano ang hinihiling ng Diyos sa pagmamahal mo sa Kanya?
© Copyright Pang Araw-Araw 2024