Ebanghelyo: Mateo 22:15-21
Umurong ang mga Pariseo at nagpulong kung paano nila huhulihin si Jesus sa sarili niyang mga salita. Kaya ipinadala nila ang kanilang mga alagad kasama ng mga kampi kay Herodes. Sinabi nila kay Jesus: “Guro, nalalaman namin na tapat kang tao at tunay na nagtuturo ng daan ng Diyos; hindi ka napadadala sa iba at nagsasalita hindi ayon sa kalagayan ng tao. Kaya ano ang palagay mo: ayon ba sa Batas na magbayad ng buwis sa Cesar? Dapat ba tayong magbayad sa kanya o hindi?” Alam naman ni Jesus ang masama nilang pakay, at sinabi niya sa kanila: “Mga mapagkunwari! Bakit ninyo ako sinusubukan? Ipakita ninyo sa akin ang perang pambuwis.” Ipinakita nila ang isang denaryo, at sinabi sa kanila ni Jesus: “Sino ang nakalarawan dito, na narito rin ang kanyang pangalan?” Sumagot sila: “Ang Cesar.” At sinabi niya sa kanila: “Kung gayon, ibigay sa Cesar ang para sa Cesar, at sa Diyos ang para sa Diyos.”
Pagninilay
Tinatatakan ang hayop para malaman kung sino ang may-ari. Tinatatakan ang sulat para malaman kung sino ang may akda. Tinatatakan din ang ‘branded shirts’ para malaman kung saan ito nagmula (‘orig!’). Mag-ingat sa mga mahilig magpa-tattoo! Kung ‘markang demonyo’ ang nasa ating hita o braso, baka may iba nang nagmamay-ari sa atin. Nang tanungin ni Jesus kung kaninong larawan ang nakatatak sa salaping pambuwis, ang sagot ng mga pariseo: “Sa Cesar po.” At dahil dito ay ipinahayag ni Jesus: “Ibigay sa Cesar ang para sa Cesar, at sa Diyos ang para sa Diyos.” May nakatagong mensahe sa likod nito. Dahil ang pera ay may nakatatak na imahen ng Cesar, ito ay pag-aari ng Estado, at may tungkulin tayong magbuwis dito. Subalit dahil ang bawat nilikha ay may tatak ng imahen ng Lumikha, ang Diyos ay may-akda, may-ari at pinagmulan ng lahat. Maging ang Cesar at lahat ng larangan ng ating buhay ay saklaw ng kapangyarihan ng Diyos. Taliwas sa pagkaunawa ng marami, ang tekstong ito sa Biblia ay hindi tungkol sa pagkakahiwalay ng relihiyon at estado. Ito ay nagpapahayag ng pananagutan ng lahat, maging ng estado, sa tunay na nagmamay-ari ng lahat, ang Diyos. Taglay ng bawat binyagan ang tatak ni Cristo. May obligasyon tayo sa May-ari sa atin. Taglay natin ang tatak misyonero. Tungkulin nating ipahayag ang ebanghelyo sa lipunan upang dalhin ang lahat ng bagay sa ilalim ng paghahari ng Diyos.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





