Ebanghelyo: Lucas 11:42-46
Sawimpalad kayong mga Pariseo! Nagbabayad nga kayo ng ikapu ng yerbabuena at ng ruda at ng lahat ng gulay, at pinababayaan naman ninyo ang katarungan at ang pag-ibig sa Diyos. Ito nga ang dapat gawin nang di kinaliligtaan ang mga iyon. Sawimpalad kayong mga Pariseo! Gusto ninyong mabigyan ng pangunahing upuan sa mga sinagoga at mabati sa mga liwasan. Sawimpalad kayo, na parang mga nakatagong libingan, na inaapakan ng mga tao at di man lang nila namamalayan.” Nagsalita ang isang guro ng Batas: “Guro, iniinsulto mo rin kami sa pagsasabi mo ng mga ito.” At sinabi ni Jesus: “Sawimpalad din kayong mga guro ng Batas! Ipinapapasan ninyo sa mga tao ang mga napakabibigat na pasanin, ngunit ni isang daliri ay ayaw ninyong igalaw para tulungan sila.
Pagninilay
Sino nga ba ang tunay na marangal? Ano ang tamang sukatan ng pagtatangi? Bakit may itinuturing ang lipunan na espesyal, subalit may iba namang nakakaligtaan? Kalimitan, ang mga taong may salapi, galing at kapangyarihan lamang ang kinikilalang espesyal ng lipunan. Ang paghusga ng mundo sa tao ay nakabatay sa kanyang social status. Subalit ang pamantayan ng mundo ay mapanlinlang. Bakit? Itinatanim nito sa ating isip na mas mahalaga ang ating pag-aari at kasikatan kaysa sa dangal at integridad ng pagkatao. Sawimpalad tayo kung tulad ng mga pariseo, magiging mapaghanap tayo sa pagkilala ng lipunan dahil sa ating narating sa buhay. Huwad ang karangalang nakabatay lamang sa estado o posisyon sa buhay. Hungkag ang lahat ng parangal ng mundo kung wala itong katumbas na kabutihan sa puso.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





