Ebanghelyo: Lucas 12:1-7
Nang magkatipon ang libu-libong tao hanggang magkatapakan na sila, sinimulang sabihin ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Mag-ingat muna kayo sa lebadura ng mga Pariseo, na walang iba kundi ang pagkukunwari. Walang tinatakpan na di mabubunyag, walang natatago na di malalaman. Kaya naman, ang sinabi ninyo sa dilim, sa liwanag maririnig; at ang ibinulong ninyo sa mga kuwarto, sa bubungan ipahahayag. Sinasabi ko naman ito sa inyo na mga kaibigan ko: huwag ninyong katakutan ang mga nakapapatay sa katawan at wala nang magagawa pa. Ituturo ko sa inyo kung sino ang dapat ninyong katakutan: matakot kayo sa may kapangyarihang pumatay at may kapangyarihan pang magbulid sa impiyerno. Oo, sinasabi ko sa inyo, ito ang katakutan ninyo. Di ba’t ipinagbibili nang dalawang pera ang limang maya? Subalit isa man sa kanila’y di nalilimutan ng Diyos. Bilang na pati ang lahat ng buhok sa inyong ulo. Huwag kayong matakot; mas mahalaga pa kayo kaysa maraming maya.
Pagninilay
Sinasabi sa agham na kapag tumitingala ka sa bituin, nagbabalik-tanaw ka sa nakaraan. Bakit? Sapagkat ang nakikita mong liwanag ay naglakbay ng bilyong taon bago marating ng sinag nito ang ating mga mata. Napakalawak ng santinakpan. Napakaliit ng ating araw at mundo: parang tuldok lamang sa maliit na bahagi ng kalawakan. Gaano pa kaya ang tao? Mortal at maiksi lang ang buhay. Ang ating pag-iral ay isang iglap lamang ang katumbas sa walang hanggan. Pero sa kabila ng ating kaliitan, mahalaga tayo sa Diyos. Minahal Niya tayo nang higit pa sa ibang nilikha. Wika ni Jesus, “Hindi ba ipinagbibili sa halagang dalawang pera lamang ang limang maya? Gayunman, kahit isa sa kanila’y hindi pinababayaan ng Diyos… Kaya, huwag kayong matakot; higit kayong mahalaga kaysa mga maya.” Ani San Pablo, walang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos, kahit kapighatian o kamatayan. Mananatili ang bigkis ng pagmamahal Niya sa kanyang mga nilikha. Tuwing tumitingala tayo sa langit para tingnan ang mga bituin, alalahanin natin na may Diyos na ang lawak ng pag-ibig ay lampas pa sa kayang abutin ng ating paningin.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





