Ebanghelyo: Mateo 22:34-40
Narinig ng mga Pariseo na napatahimik ni Jesus ang mga Sadduseo, at sumangayon sila sa kanya. Kaya sinubukan siya ng isa sa kanila na isang guro ng Batas sa tanong na ito: “Guro, ano ang pinakamahalagang utos ng Batas?” Sumagot si Jesus: “Mahalin mo ang Panginoon mong Diyos nang buo mong puso, nang buo mong kaluluwa at nang buo mong pagiisip. Ito ang una at pinakamahalagang utos. Ngunit may ikalawa pa na tulad nito: Mahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili. Sa dalawang utos na ito nabubuod ang buong Batas at Mga Propeta.”
Pagninilay
Si Victor Frankl ay isang Jewish survivor ng Holocaust noong panahon ni Hitler. Nang matapos ang pagkabilanggo sa concentration camp, napagtanto niya ang dahilan kung bakit napagtiisan niya ang lahat ng pasakit at pagdurusa roon. Ito ay ang pagtugon sa malalim na paghahanap ng puso sa kahulugan ng buhay. Sabi niya, “ang pangunahing minimithi ng tao ay hindi ang paghahangad sa kasiyahan kundi ang paghahanap ng kahulugan ng buhay.” Ano ang pupuno sa hungkag na pag-iral ng tao? Sa ebanghelyo, inihayag ni Jesus ang tugon. Binuod niya ang pinakadakilang utos sa isang salita: Pag-ibig. Salat man tayo sa bagay, kung sagana naman sa pagmamahal, magiging magaan ang buhay. May isang awit na kinatha si P. Hontiveros tungkol sa pag-ibig. Isang linya nito ay ganito ang nasasaad: “Naibigay ko ng lahat, magaan akong tumatakbo. Dukha man ako sa lahat, dukha man ako sa lahat. Ang tangi kong yaman ay mabuhay sa pag-ibig.” Sa aming parokya, kapag malapit na ang pasukan sa paaralan, nag-aalay ang mga tao ng mga school supplies gaya ng notebook, ballpen at lapis sa Misa. Matapos magpasalamat ng pari, sinabi ng isa sa mga parokyano: “Ang saya po sa pakiramdam kapag nagbibigay. Mas mainam talaga ang magbahagi kaysa mangailangan!” Totoo naman. Pag-ibig ang susi sa tunay na kasiyahan. Walang ibang daan tungo sa buhay kundi ang magmahal. Sabi nga sa isang homiliya: Sa ‘loob’ lang ng pag-ibig, may buhay na walang umay. Sa ‘labas’ nito, may pag-iral pero walang saysay.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





