Ebanghelyo: Jn 21: 20-25
Paglingon ni Pedro, nakita niyang sumusunod ang alagad na mahal ni Jesus, na siyang humilig sa tabi niya noong hapunan at nagsabing: “Panginoon, sino ba ang magkakanulo sa iyo?” Kaya pagkakita rito ni Pedro, sinabi niya kay Jesus: “Panginoon, ano naman sa kanya?” Sinabi sa kanya ni Jesus: “Kung loobin kong mamalagi siya hanggang ako’y pumarito, ano sa ’yo? Ikaw, sumunod ka sa akin!” Dahil dito’y kumalat ang salitang ito sa mga kapatid na hindi mamamatay ang alagad na ito pero hindi naman sinasabi sa kanya ni Jesus na hindi siya mamamatay kundi “Kung loobin kong mamalagi siya hanggang ako’y pumarito.” Ito ang alagad na siyang nagpapatunay tungkol sa mga bagay na ito at ang sumulat sa mga ito. At alam namin na totoo ang kanyang patunay. Marami pa ring ibang ginawa si Jesus, na kung isaisang masusulat ang mga iyon, sa tantiya ko’y hindi magkakasya sa mundo ang isusulat na mga aklat.
Pagninilay
“Panginoon, sino ang magkakanulo sa iyo?” Ito ay tanong na dapat nating itanong sa ating mga sarili. Sa ating pang-araw-araw na buhay, paano ba natin ipinagkakanulo si Jesus? Sa anong halaga natin ipinagpalit ang ating paniniwala at pananampalataya? Isang mahalagang punto ang tugon ni Jesus kay Pedro sa kanyang tanong tungkol kay Juan. “Ano naman sa iyo…ikaw, sumunod ka sa akin!” Parang gustong sabihin ni Jesus kay Pedro, na huwag niyang pakialaman ang buhay ng iba at kung ano ang gagawin ng Diyos sa kanila. Ang mahalaga ay ang kanyang personal na pagtugon at pagsunod sa Kanya! Marami sa atin na parang nakabatay sa ibang tao ang pagsasabuhay ng ating pananampalataya. Kaya kadalasan maririning natin sa iba na nawawalan sila ng gana na isabuhay ang kanilang pananampalataya. Nakikita nila ang buhay ng iba na taliwas sa kanilang pinapaniwalaan o tinuturo. Ito ang tugon ni Jesus, pagtibayin at pagbutihin natin ang ating personal na pagtugon o pagsasabuhay ng ating pagmamahal sa Kanya. Hindi din ibig sabihin na hahayaan natin silang maligaw ng landas. Kapag isinasabuhay natin ang ating pananampalataya at pagmamahal sa Diyos, tinutulungan din natin ang iba na mamuhay ayon sa kalooban ng Diyos.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024