Ebanghelyo: Jn 20: 19-23 (o Jn 15: 26-27; 16: 12-15)
Agaw-dilim na noon sa unang araw na iyon ng sanlinggo at nakasara ang mga pinto sa kinaroroonan ng mga alagad dahil sa takot sa mga Judio, dumating si Jesus at pumagitna. At sinabi niya sa kanila: “Kapayapaan sa inyo!” Pagkasabi nito, ipinakita niya sa kanila ang mga kamay at ang tagiliran. Kaya nagalak ang mga alagad pagkakita nila sa Panginoon. At muli niyang sinabi sa kanila: “Kapayapaan sa inyo! Kung paanong isinugo ako ng Ama, ipinadadala ko rin kayo.” At pagkasabi nito, hiningahan niya sila at sinabi: “Tanggapin ang Espiritu Santo! Patatawarin ang mga kasalanan ninuman na inyong patawarin; at pananatiliin naman sa sinuman ang inyong panatiliin.
Pagninilay
Ang araw ng Pentekostes ay ang katuparan ng pinangako ni Jesus sa Kanyang mga disipulo na ipapadala Niya ang Banal na Espiritu. Ito rin ang araw na ipinagdiriwang natin ang kapanganakan ng ating Inang Simbahang Katolika, na kung saan ay tumatatak bilang simula ng misyon ng simbahang Kristiyano sa mundo. Sa gitna ng takot, ang pagbati na inalay ni Jesus sa kanyang nagkulong na mga disipulo ay kapayapaan. Pagktapos ay hiningahan Niya sila ng Espiritu Santo at inatasan tungkol sa kapatawaran ng mga kasalanan ng sanlibutan. Ang isang palatadaan na ang isang bagay na nais nating gawin ay may basbas ng Banal na Espiritu ay ang kapanatagan ng loob sa kabila ng pag-aalinlangan at takot. Sa ating mundo ngayon na binabalot ng kaguluhan at pagkakawatak-watak paano nga ba natin makamtan ang kapayapaan? Ayon kay Santa Teresa ng Calcutta; “Ano ang maaari mong gawin upang maisulong ang kapayapaan sa mundo? Humayo ka at mahalin mo ang iyong pamilya.” Lahat ng mabubuti na nais nating makamtan ay sadya ngang nag-uumpisa sa loob ng pamilya. Dito natin unang ibahagi at ipamalas ang ating pagtugon sa kalooban ng Diyos bilang mga Kristiyano.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024