Ebanghelyo: Mc 4: 1-20*
(…) Nasa dagat siya at nasa tabing-dagat naman ang lahat. At marami siyang itinuro sa kanila sa tulong ng mga talinhaga. Sinabi niya sa kanila sa kanyang pagtuturo: “Makinig kayo! Lumabas ang manghahasik para maghasik. Sa kanyang paghahasik, may butong nahulog sa tabi ng daan. Dumating ang mga ibon at kinain ang mga iyon. Nahulog naman ang ibang buto sa batuhan at mababaw ang lupa roon. Madaling tumubo ang mga buto dahil hindi malalim ang lupa. Ngunit pagsikat ng araw, nasunog ito sa init at sapagkat walang ugat, natuyo ito. Nahulog ang iba pang buto sa mga tinikan. At nang lumago ang mga tinik, sinikil ng mga ito ang halaman at hindi namunga. Nahulog naman ang iba sa matabang lupa at namunga sa paglaki at paglago. May nagbunga ng tatlumpu, animnapu ang iba at sandaan ang iba pa.” At idinagdag ni Jesus: “Makinig ang may tainga!” Nang wala na ang mga tao, tinanong siya ng mga nakapalibot sa kanya, na kasama ng Labindalawa tungkol sa mga talinhaga: “Bakit sa pamamagitan ng mga talinhaga ka nagsasalita sa kanila?” At sinabi sa kanila ni Jesus: “Sa inyo ipinagkakaloob ang lihim ng kaharian ng Langit ngunit sa mga iyon na nasa labas, ang lahat ay sumasapit gaya ng talinhaga. Kaya tumitingin sila pero di nakakakita; nakaririnig pero di nakauunawa kaya naman di sila nagbabalik-loob at di pinatatawad.” At sinabi ni Jesus sa kanila: “Hindi ninyo nauunawaan ang talinhagang ito, kayat paano ninyo mauunawaan ang iba pa? (…)
Pagninilay
Sa binhi nakatuon ang talinhaga sa ebanghelyo ngayon. Isang magsasaka ang lumabas upang maghasik ng binhi. Karaniwan ito sa Palestina. Ang binhi ay hindi pinatutubo na tulad ng ginagagawang pagbubukid sa Pilipinas. Ito ay isinasabog sa lupa kung kaya nga’t may panganib na kumalat lamang sa daan, sa kabatuhan o sa dawagan. Ituon natin ang pansin sa maghahasik. Sana ay maingat ang maghahasik upang ang mga binhi ay hindi mahulog sa walang kabuluhang lugar. Ang binhi ay ang salita ng Diyos. Sana ang mga mangangaral ay matiyagang nag-iingat upang ang binhi ng salita ng Diyos ay makarating sa lahat lalo na sa mga pusong handang umunawa. Salamat na lamang at ang maghahasik ay hindi sumusuko kahit may mga nasasayang na mga binhi. Patuloy siyang naghahasik. Ganyan sa gawaing pangangaral. Hindi lahat ay nakikinig. Titigil na ba ang mangangaral dahil may mga matitigas na puso? Hindi. Patuloy siyang magbabahagi ng salita ng Diyos. Dahil mayroon pa ring nalalaglag sa matabang lupa. Iyon ang dapat bigyang-pansin.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024