Ebanghelyo: Mc 16: 15-18
At sinabi sa kanila: “Pumunta kayo sa buong daigdig at ipahayag ang ebanghelyo sa buong sangkinapal. Maliligtas ang maniniwala at magpapabinyag; hahatulan naman ang di maniniwala. At ito ang mga tandang sasama sa mga maniniwala: magpapalayas sila ng mga demonyo sa aking Pangalan, magsasalita sila sa iba pang mga wika, hahawakan nila ang mga ahas, at di sila maaano kung iinom man sila ng may lason. Ipapatong nila ang kanilang kamay sa mga maysakit at gagaling ang mga iyon.”
Pagninilay
I pangaral ang Mabuting Balita! Ito ang misyong tinanggap ng Simbahan at ng bawat isang binyagan. Bago umakyat sa langit ay iniwan ni Jesus ang gampaning ito. Kinakailangang humayo sa buong sanlibutan upang dalhin ang ebanghelyo at turuan ang mga taong sumampalataya sa Panginoon. Kaakibat nito ang pangako na ang mga sumasampalataya ay makasasaksi ng mga himala — mapapalayas ang demonyo, magsasalita ng ibang wika, hindi mapapahamak sa ahas o lason at gagaling ang mga maysakit. Tinanggap ni San Pablo ang atas na ito. Matapos siyang magbalik-loob mula sa pagiging tagausig ng Simbahan ay humayo siya upang maging Apostol sa mga Hentil. Taglay niya ang kahinaan subalit umasa siya sa pagtulong at grasya ng Diyos. Inspirasyon natin si San Pablo. Tayo man ay may makasalanang kahapon. Hindi ito hadlang upang tayo ay magbalik-loob at tumanggap ng gawaing pagmimisyon. Sa salita at higit sa gawa ay ipakilala natin si Jesus sa ating kapwa.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024