Ebanghelyo: Mc 4: 26-34
At sinabi niya: “Maihahambing ang kaharian ng Diyos sa paghahasik ng isang tao ng buto sa lupa. Tulog man siya o gising, sa gabi o araw, sumisibol ang binhi at lumalago nang hindi niya namamalayan. Nagbubunga ang lupa sa ganang sarili nito: una’y ang usbong, saka ang uhay at ang butil na humihitik sa uhay. At kapag nagbunga na ito, agad siyang magpapadala ng karit sapagkat sumapit na ang anihan.” At sinabi niya: “Sa ano natin maikukumpara ang kaharian ng Diyos? Sa anong talinhaga natin ito maipakikilala? Natutulad ito sa paghahasik ng buto ng mustasa na pinakamaliit sa mga binhing inihahasik sa lupa. Ngunit pagkahasik nito, tumataas ito at lumalaki na higit pa sa lahat ng gulay at nagsasanga nang malaki hanggang sumilong sa kanyang lilim ang mga ibon ng langit.” Itinuro niya sa kanila ang lahat ng ito sa pamamagitan ng mga talinhagang gaya nito ayon sa kakayahan ng kanilang isipan. Hindi siya nagturo sa kanila nang hindi gumagamit ng mga talinhaga. Ngunit nilinaw niya ang lahat sa kanyang mga alagad nang sila-sila na lamang.
Pagninilay
Isang kongregasyon ng mga madre ang nagdiwang ng kanilang Golden Jubillee. Ito ang kanilang tema, “Munting binhing ipinunla, naging punong pinagpala.”Nagsimula nga naman sila sa ilang madreng tinipon ng tagapagtatag. Makalipas ang limampung taon ay dumami na ang mga madre na naglilingkod sa Pilipinas at sa iba’t panig ng mundo. Wari silang isang butil. Naging halaman, dinilig ng biyaya ng Diyos at naging malabay na punongkahoy. Naging makatotohanan sa kanila ang ebanghelyo. Hindi namamalayan ng magsasaka ang paglago ng halaman. Ang lupa ang nagpapasibol at nagpapabunga sa halaman. Ganyan ang kaharian ng Diyos. Ganyan ang Simbahan. Umuunlad nang hindi natin namamalayan. Grasya ng Diyos ang dahilan ng lahat ng paglago at pagsulong. Ang makataong pagsisikap ay pinupunan ng makalangit na pagpapala. Darating ang panahong mamamangha tayo sa napakalaking pag-unlad. Sinabi ni San Alfonso, “There are weak beginnings but God can make great works rise from weak beginnings.”
© Copyright Pang Araw-Araw 2024