Ebanghelyo: Mc 16: 1-7
Pagkatapos ng Araw ng Pahinga, si Maria Magdalena at si Mariang ina ni Jaime, at si Salome ay bumili ng mga pabango para pumunta at pahiran si Jesus. At dumating sila sa libingan kinaumagahan ng unang araw ng sanlinggo. Pinag-usapan nila: “Sino ang magpapagulong at mag-aalis sa malaking bato sa bukana ng libingan?” Ngunit pagtingin nila’y nakita nilang naigulong na ang bato – napakalaki nga niyon. Kaya pumasok sila sa libingan at nakita nila ang isang binatang nakaputi na nakaupo sa kanan, at takangtaka sila. Ngunit sinabi niya sa kanila: “Huwag kayong matakot. Di ba’t si Jesus na taga- Nazaret, ang ipinako sa krus, ang hinahanap ninyo? Binuhay siya at wala siya rito. Hayan ang lugar kung saan siya inilagay. Ngunit humayo kayo at sabihin sa mga alagad niya at pati kay Pedro na mauuna siya sa inyo sa Galilea. Doon ninyo siya matatagpuan gaya ng sinabi niya sa inyo.”
Pagninilay
“Huwag kayong matakot” at “Humayo kayo.” Iyan ang mahahalagang tagubilin ng Pagdiriwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay. Pinayuhan ang mga babaeng dumalaw sa libingan ni Jesus na huwag matakot. Anuman ang kanilang kinatatakutan, ito man ay banta sa kanilang buhay bilang mga alagad ni Jesus o pagtataka sa pagkawala ng bangkay ni Jesus, malinaw na ipinahayag sa kanila na walang dapat ikatakot. Itinagubilin din sa kanila na humayo at ipamalita sa mga apostol ang pagkabuhay ni Jesus. Ito rin ang mensahe sa ating mga Kristiyano. Ang tagumpay ni Jesus sa kamatayan ay tagumpay din nating mga mananampalataya. Kung matibay ang pananalig natin kay Jesus, lahat ng pinagmumulan ng ating takot ay mapapawi sapagkat ang laman ng ating puso at diwa ay si Jesus na muling nabuhay. Anuman ang ating tiisin ay mapapalitan ng kaginhawahan. Anuman ang ating mga pagsubok ay malalampasan dahil sa kaloob na tagumpay ni Jesus. Inaayayahan din tayong magpahayag ng katotohanang si Jesus ay muling nabuhay at kabahagi tayo nito. Kaligtasan ang epekto ng Kanyang kamatayan at muling pagkabuhay. Ibahagi ang mensaheng ito sa ating kapwa tao.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024