Ebanghelyo: Jn 20: 1-9 (o Mc 16: 1-7 o Lc 24: 13-15)
Ngayon, pagkatapos ng Araw ng Pahinga, habang madilim pa, maagang pumunta sa libingan si Maria Magdalena, nang makita niyang tanggal ang bato mula sa libingan, patakbo siyang pumunta kay Simon Pedro at sa isa pang alagad na mahal ni Jesus. Sinabi niya sa kanila: “May kumuha sa Panginoon mula sa libingan, at hindi namin alam kung saan nila siya inilagay.” Kaya lumabas si Pedro at ang isa pang alagad, at pumunta sa libingan. Sabay na tumakbo ang dalawa. Ngunit mas mabilis tumakbo kay Pedro ang isa pang alagad, at unang nakarating sa libingan. Pagkayuko niya’y nakita niyang nakalatag ang mga telang linen pero hindi siya pumasok. Dumating namang kasunod niya si Simon Pedro, at pumasok sa libingan. Napansin niya ang mga telang linen na nakalatag, at ang panyo namang nakatalukbong sa ulo niya ay di kasama sa mga telang linen na nakalatag kundi hiwalay na nakabilot sa mismong lugar nito. Pumasok noon ang isa pang alagad, ang unang nakarating sa libingan, at nakita niya at siya’y naniwala. Sapagkat hindi pa nila alam ang Kasulatan na kailangan siyang magbangon mula sa mga patay.
Pagninilay
Kapwa tumakbo si Pedro at ang isa pang alagad papunta sa libingan ni Jesus. Wala na ang Kanyang bangkay subalit naroon ang katunayan ng Kanyang muling pagkabuhay – ang kayong lino at ang panyong inilagay sa Kanyang ulo. Ang mga telang ito maayos na nakatiklop, patunay na hindi ninakaw ang Kanyang bangkay, na muli Siyang nabuhay. Mainam na pagnilayan ang pagtakbo ng dalawang alagad patungo sa pinaglibingan kay Jesus. Ito’y tanda ng sama-samang paglapit kay Jesus. Anuman ang ating edad o anuman ang posisyon natin sa lipunan, magkakasama tayong magdiwang ng Pasko ng Muling Pagkabuhay. Ang lahat ay inaanyayahang lumapit kay Jesus upang bumuo ng malalim na ugnayan sa Kanya. Walang sinumang hinahadlangan sa pakikipagtagpo sa Kanya. Lahat ay kasama sa Kanyang kawan. Ang muling pagkabuhay ni Jesus ay para sa lahat – sa mga nangamatay noong una, sa mga buhay, sa mga nagpapakabanal at mga makasalanan, sa mga kumikilala sa Kanya at hindi pa. Ang kaligtasan dulot Niya ay lamang para sa iilan kundi para sa lahat. Kaya, lahat ay inaanyayahang magpuri at sumamba sa Kanya at patuloy na tumugon sa dakilang paanyaya Niya ng pag-ibig sa tanan. Aleluya! Muling nabuhay si Jesus na nagdulot sa atin ng kaligtasan!
© Copyright Pang Araw-Araw 2024