Ebanghelyo: Mc 3: 20-35
Pagkauwi ni Jesus, nagsidating ang mga tao kayat hindi na sila nakakain. Nang mabalitaan ito ng kanyang mga kamag-anak, lumabas sila para hulihin siya. Sinasabi nga nilang “Nababaliw siya.“ May dumating namang mga guro ng Batas na galing sa Jerusalem, at sinabi nila: “Sumasakanya si Beelzebul at sa tulong ng pinuno ng mga demonyo siya nagpapalayas sa mga ito.“ Tinawag sila ni Jesus at nagsalita sa talinhaga: “Puwede bang Satanas ang magpalayas sa Satanas? Kung may pagkakahati-hati ang isang kaharian, hindi na makatatayo ang kahariang iyon. At kung may sambahayang nagkakahati-hati, hindi na makatatayo ang sambahayang iyon. At kung si Satanas ang lumalaban sa kanyang sarili at nagkakahati-hati, hindi na siya makatatayo kundi malapit na ang wakas niya. Walang makapapasok sa bahay ni Malakas at makaaagaw sa lahat niyang mga gamit kung hindi muna itatali si Malakas. Saka lamang niya masasaid ang lahat ng ari-arian nito. “Sinasabi ko sa inyo: patatawarin ang mga anak ng tao sa lahat – sa kanilang mga kasalanan at pati sa kanilang mga paglait sa Diyos kahit na marami man ang mga paglait nila sa Diyos. Ngunit kung may magsalita laban sa Espiritu Santo, kailanma’y di siya mapapatawad; kasa-lanang walang hanggan ang nasa kanya.“ Ang pagsasabi nilang may masamang espiritu siya ang tinutukoy ni Jesus. Dumating naman ang kanyang ina at ang kanyang mga kapatid; nakatayo sila sa labas at ipinatawag siya. Nakaupo si Jesus at napapaligiran ng mga tao nang may magsabi sa kanya: “Nasa labas ang iyong ina at mga kapatid; hinahanap ka nila.“ At sinabi ni Jesus sa kanila: “Sino ang aking ina at mga kapatid?“ At pagtingin niya sa mga nakaupo sa paligid niya ay kanyang sinabi: “Narito ang aking ina at mga kapatid. Kapatid kong lalaki at kapatid na babae at ina rin ang sumusunod sa kalooban ng Diyos.“
Pagninilay
Abala si Jesus sa pagsunod at pagtupad ng Kanyang misyon. Nakakalungkot lang na hindi Siya nauunawaan maging ng Kanyang mga kamag-anak, lalo na kung ano at para saan ang ginagawa Niya. Ito’y salungat sa kanilang mga nakasanayan. Pero hindi nagpapadala si Jesus sa kanila dahil batid Niya ang Kanyang mga ginagawa at itinuro Niya sa kanila kung ano ang mas malalim na kahulugan sa pagiging kapanalig Niya! Sadyang hindi lahat nakakaunawa kung ano ang nais ng Diyos para sa bawat isa. Kadalasan, ang ating pamilya pa nga ang unang humahadlang sa pagtupad nito. Pero kung tayo mismo ay naniniwala at nakauunawa kung ano ang kalooban ng Diyos para sa ating sarili, patuloy nating tatahakin ang landas na iyon gaano man ito kahirap, ayon sa takalan ng mundo. Sa pagsunod lamang kay Jesus makatatagpo tayo ng kapayapaan na ‘di natin makukuha sa anumang karangyaan at kapangyarihang inaalok ng mundo. Pagnilayan natin ang Banal na Kasulatan. Hingin natin ang liwanag ng Banal na Espiritu upang maunawaan natin ng lubos kung ano ang ninanais ng Diyos para sa ating sarili at bigyan tayo ng lakas na sundin ito.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024