Ebanghelyo: Mateo 7:7-12
Humingi at kayo’y bibigyan; maghanap at matatagpuan ninyo; kumatok at bubuksan ang pinto para sa inyo. Talaga ngang tumatanggap ang humihingi, nakakakita ang naghahanap, at pagbubuksan ang kumakatok. Sino sa inyo ang magbibigay ng bato sa kanyang anak kung tinapay ang hinihingi nito? Sino ang magbibigay ng ahas kung isda ang hinihingi nito? Kahit masama kayo, marunong kayong magbigay ng mabuting bagay sa inyong mga anak. Gaano pa kaya ang inyong Amang nasa Langit? Magbibigay siya ng mabubuting bagay sa mga hihingi sa kanya. Kaya gawin ninyo sa iba ang gusto ninyong gawin sa inyo, ito ang nasa Batas at Mga Propeta.
Pagninilay
“Humingi at kayo’y bibigyan; maghanap at matatagpuan ninyo; kumatok at bubuksan ang pinto para sa inyo.” Ang pahayag na ito ni Jesus ay nagpapatunay sa pagtugon ng Diyos sa mga taong nananalangin. Kapag tayo ay nagdarasal, tayo ay nagsusumamo o dumudulog sapagkat winika nga Niya: “Humingi at kayo’y bibigyan”. Ngunit ang magandang itanong din natin sa ating sarili: “Alam ba natin kung ano ang dapat nating hingin?” Marami sa atin ang nagrereklamo kapag hindi natutupad ang ipinagdarasal natin. Nagdarasal tayo na sana ay yumaman, pero hindi naman yumayaman. O kaya naman, tayo’y nagdarasal na magkkaroon ng isang bagay, pero hindi mo pa rin ito nakukuha hanggang ngayon. Kung pagninilayan, ang tinutukoy ni Jesus na paghingi ay hindi paghingi lang ng anumang bagay. Kung babasahin pa natin ang ikalawang bahagi ng pagbasa, sinasabi rito na: “Magbibigay siya ng mabubuting bagay sa mga hihingi sa kanya.” Ibig sabihin, ang pananalangin ay hindi lamang pagdarasal na “Sana’y magkaroon ako ng pera” o “Sana’y maging matagumpay akong negosyante” o “Sana’y sumikat ako”. Ang hinihiling natin dapat sa Diyos ay mga bagay na mabubuti at para sa ikabubuti natin at ng kapwa natin. Itinuro rin ni Jesus kung ano ang dapat nating hanapin at kung ano ang dapat nating hilingin. Dapat nating hanapin kung ano ang nais ng Diyos para sa atin.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





