Ebanghelyo: Lucas 16:9-15
Kaya sinasabi ko sa inyo: gamitin ninyo ang di-matuwid na Perang-diyos para magkaroon ng mga kaibigan para sa pagkaubos nito’y tanggapin naman nila kayo sa walang hanggang mga tahanan. Ang mapagkakatiwalaan sa maliliit na bagay ay mapagkakatiwalaan din sa malalaki, at ang di mapagkakatiwalaan sa maliliit ay di rin mapagkakatiwalaan sa malalaki. Kung hindi kayo mapagkatiwalaan sa dimatuwid na pera, sino ang magtitiwala sa inyo ng tunay na kayamanan? Kung hindi kayo mapagkatiwalaan sa mga bagay na hindi talaga sa inyo, sino pa kaya ang magbibigay sa inyo ng talagang inyo? Walang katulong na makapagsisilbi sa dalawang amo; siguradong kamumuhian niya ang isa at mamahalin naman ang isa pa, o magiging matapat sa isa at mapababayaan ang ikalawa. Hindi kayo makapaglilingkod sa Diyos at sa pera.” Naririnig ng mga Pariseo ang lahat ng ito. Sakim sila kaya pinagtatawanan nila siya. At sinabi ni Jesus sa kanila: “Ginagawa ninyo ang lahat para magmukhang mabuti sa paningin ng mga tao ngunit alam ng Diyos ang inyong mga puso. At kasuklam-suklam sa paningin ng Diyos ang mataas sa mga tao.
Pagninilay
Perang-Diyos. Malalim at makahulugan ang pagkakasalin sa ating wika ng bahaging ito ng ebanghelyo ni San Lukas sa Edisyong Pastoral ng Biblia: “Gamitin ninyo ang di-matuwid na perang-diyos para magkaroon ng mga kaibigan…” (16: 9). Nagiging ‘di-matuwid’ ang pera kapag hinayaan natin itong ‘nakawin’ ang ating puso sa Diyos. Sabi ni Papa Francisco: “silipin natin sa kaibuturan ng ating puso kung saan natin natatagpuan ang ating seguridad sa buhay…” (Gaudete et Exultate, 67). Tayo’y nagiging alipin ng ‘perang-diyos,’ kapag sa kayamanan natin inilagay ang katiyakan ng buhay. Hindi masama ang pera sa kanyang ganang sarili kung ito ay ‘gagamitin’ sa pakikipagkaibigan. Ibig sabihin, ang ating kayamanan ay dapat maging paraan ng pagsisilbi sa kapwa. Sa ating pakikipagkaibigan sa mga dukha at nangangailangan, nagkakaroon tayo ng lugar sa tahanan ng ating Ama sa langit. Wika ni San Juan Crisostomo: “Ang hindi magbahagi ng ating yaman sa mga dukha ay pagnanakaw sa kanila at pagkuha sa kanilang ikabubuhay. Sapagkat ay yamang mayroon tayo ay pag-aaring hindi lang para sa atin kundi para rin sa kanila.”
© Copyright Pang Araw-araw 2026





