Ebanghelyo: Lucas 13:31-35
Nang sandaling iyo’y dumating ang ilang Pariseo at binalaan siya: “Umalis ka rito at pumunta sa ibang lugar. Gusto kang ipapatay ni Herodes.” Sinabi naman ni Jesus: “Puntahan ninyo ang musang na ’yon at sabihin sa kanya: ‘Ngayon at bukas ay nagpapalayas ako ng mga demonyo at nagpapagaling at nasa ikatlong araw ang katapusan ko.’ Subalit dapat akong maglakad ngayon, bukas at sa susunod na araw sapagkat hindi bagay na mamatay sa labas ng Jerusalem ang isang propeta. Jerusalem, Jerusalem! Pinapatay mo ang mga propeta at binabato ang mga sinugo sa iyo. Gaano kadalas kong ginustong tipunin ang iyong mga anak gaya ng pagyupyop ng inahin sa kanyang mga sisiw pero tumanggi ka nga. Ngayon, iiwanan ang inyong Bahay. Sinasabi ko nga sa inyo na hindi na ninyo ako makikita hanggang di sumasapit ang panahon na sabihin ninyo: Mapalad ang dumarating sa ngalan ng Panginoon.”
Pagninilay
“God doesn’t play dice,” sabi ni Albert Einstein. Lahat ng nangyayari ay may dahilan. Ang ating pag-iral ay may layunin. Hindi nagbabakasakali ang Diyos. May pangarap siya para sa bawat isa. Ito ang malinaw sa ministeryo ni Kristo. May tinutungo ang kanyang misyon. Walang sinuman ang makapipigil para mapangyari ang plano ng Diyos. Ipinakita ni Jesus sa mga pariseo na determinado siyang tapusin ang kanyang misyon. Batid niya kung paano magaganap ito: “hindi dapat mamatay sa labas ng Jerusalem ang isang propeta!” Hanggang sa huli, tinupad ni Jesus ang layunin ng pagkasugo sa kanya. Ang kanyang kamatayan ang rurok ng kanyang buong buhay na ginugol sa paglilingkod. Gugulin din nawa natin ang ating buhay ayon sa layunin ng Lumikha. Ang buhay ay hindi sugal. May plano ang Diyos. Tiyak ang ating panalo sa pakikiisa sa katuparan ng Kaniyang pangarap.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





