Ebanghelyo: Jn 20: 11-18
Nakatayo namang umiiyak sa labas si Maria sa may libingan Sa kanyang pagiyak, yumuko siyang nakatanaw sa libingan. At may napansin siyang dalawang anghel na nakaputi na nakaupo, isa sa may ulunan at isa sa may paanan ng pinaglagyan sa katawan ni Jesus. Sinabi sa kanya ng mga iyon: “Ale, bakit ka umiiyak?” Sinabi niya sa kanila: “May kumuha sa Panginoon ko, at hindi ko alam kung saan siya inilagay.” Pagkasabi niya nito, tumalikod siya at napansin niya si Jesus na nakatayo pero hindi niya nakilalang si Jesus iyon. Sinabi sa kanya ni Jesus: “Ale, bakit ka umiiyak? Sino’ng hinahanap mo?” Sa pagaakala niyang iyon ang hardinero, sinabi niya sa kanya: “Ginoo, kung kayo ang nagdala sa kanya, sabihin n’yo sa akin kung saan n’yo siya inilagay at kukunin ko siya.” Sinabi sa kanya ni Jesus: “Maria!” Pagkaharap niya’y sinabi niya sa kanya sa Aramaiko: “Rabbouni!” (na ibig sabihi’y Guro). Sinabi sa kanya ni Jesus: “Huwag kang humawak sa akin sapagkat hindi pa ako nakaaakyat sa Ama. Puntahan mo ang mga kapatid ko at sabihin sa kanila: ‘Paakyat ako sa Ama ko at Ama ninyo, sa Diyos ko at Diyos ninyo.’” Pumunta si Maria Magdalena na ibinabalita sa mga alagad: “Nakita ko ang Panginoon.” At sinabi niya ang mga sinabi sa kanya.”
Pagninilay
Ang pagkatagpo ni Maria Magdalena kay Jesus sa hindi pangkaraniwang pagkakataon ang naglapit sa kanya kay Jesus. Habang nasa gitna siya ng napakamasalimoot na sitwasyon, doon naman niya natagpuan si Jesus, ang nagligtas sa kanya sa kapahamakan. Siya ay binigyan ng pagkakataong magbago at pinalaya sa pagkakagapos sa sariling kahinaan. Dahil dito, siya’y naging masigasig na tagasunod at alagad ni Jesus. Kaya’t nang muling nabuhay ang Panginoon, gaya ng Kanyang pinangako, Siya’y naunang nagpakita kay Maria Magdalena! Upang muling palayain sa lungkot at hapdi ng pagkabigo dahil sa Kanyang kamatayan. Mamamalas natin kung paano sa kanyang pagiging Tao ay namuhay si Jesus sa mundo tulad natin maliban sa kasalanan. Naranasan ni Jesus ang lahat ng pinagdadaanan natin, kaya nauunawaan Niya kung ano ang ating mga nararanasan. Dahil dito, naging madali sa atin ang lumapit at tumawag sa Kanya. Siya na dumaan sa pasakit at kamatayan, pati na ang Bagong Buhay dulot ng katapatan sa pagsunod sa kagustuhan ng Diyos Ama. Nawa, ito rin ay ang ating makamtan kung isasabuhay natin ang Ebanghelyo.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024