Ebanghelyo: Lucas 1:39-56
Nang mga araw ring iyo’y nagmamadaling naglakbay si Maria papunta sa isang bayan sa mataas na lupain ng Juda. Pumasok siya roon sa bahay ni Zacarias at binati si Elizabeth. Nang marinig ni Elizabeth ang bati ni Maria, sumikad ang sanggol sa sinapupunan niya, at napuspos ng Espiritu Santo si Elizabeth at malakas siyang sumigaw at sinabi: “Lubos kang pinagpala sa mga kababaihan. Pinagpala rin ang bunga ng iyong sinapupunan! Sino nga ba naman ako’t naparito sa akin ang ina ng aking Panginoon? Nang umabot sa aking pandinig ang iyong pagbati, sumikad sa tuwa ang sanggol sa aking sinapupunan. Pinagpapala ang naniniwalang magaganap ang mga sinabi sa kanya ng Panginoon.” At sinabi ni Maria: “Dinadakila ng aking kaluluwa ang Panginoon at nagagalak ang aking espiritu sa Diyos na aking Tagapagligtas dahil isinaalang- alang niya ang abang utusan niya, at mula ngayon, ituturing akong mapalad ng lahat ng salinlahi. Dakila nga ang ginawa sa akin ng Makapangyarihan, banal ang kanyang Pangalan. Patuloy ang kanyang awa sa mga sali’t salinlahi para sa mga may pitagan sa kanya. Ipinakita niya ang lakas ng kanyang bisig, ipinagtabuyan ang mga taong may mapagmataas na balak. Pinatalsik niya sa luklukan ang mga makapangyarihan, itinampok naman ang mga bale-wala. Binusog niya ng mabubuting bagay ang mga nagugutom at itinaboy namang walang-wala ang mayayaman. Nilingap niya ang Israel na kanyang lingkod, inalaala ang kanyang awa ayon sa ipinangako niya sa ating mga ninuno, kay Abraham at sa kanyang angkan magpakailanman.” Mga tatlong buwang nanatili si Mariang kasama ni Elizabeth at saka nagbalik sa kanyang bahay.
Pagninilay
Ang pagdalaw ni Maria kay Elisabet ay nagpapakita ng kanyang pagtalima at pagmamahal sa kapwa. Ito ay isang halimbawa ng tunay na pagmamahal at pagtulong sa kapwa. Tinatawag din tayo na maging masunurin sa kalooban ng Diyos at maging handang maglingkod sa iba. Ang Magnificat ni Maria ay hindi lang ang pinakamagandang awit ng papuri sa Biblia. Ito ay tunay na rebolusyunaryong awit! Dito, ipinapahayag ni Maria ang kanyang pasasalamat at pagpupuri sa Diyos. Ibinabahagi niya ang kanyang kaligayahan sa Diyos na nagbigay-pansin sa kanyang kababaan at pinili siya para sa isang dakilang misyon. Sa ating sariling buhay, dapat din tayong matutong magpasalamat at magpakumbaba, anuman ang ating kalagayan. Sa awit na ito, ipinahayag din ni Maria na huhubaran ng Diyos ang mga mapang-abusong mga hari at ipagtanggol ang mahihirap at inaapi. Ito ay hamon din sa atin na lumaban para sa katarungan at sa pagtatanggol ng karapatang pang-tao.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





