Ebanghelyo: Mateo 18:1-5, 10, 12-14
Nang panahong iyon, lumapit kay Jesus ang mga alagad at tinanong nila siya: “Sino ang mas una sa kaharian ng Langit?” Tinawag ni Jesus ang isang maliit na bata at ipinagitna sa kanila, at sinabi: “Sinasabi ko sa inyo na hanggang hindi kayo nagbabago at nagiging katulad ng maliliit na bata hindi kayo makapapasok sa kaharian ng Langit. Ang nagpapakababa gaya ng maliit na batang ito, siya ang pinakamalaki sa kaharian ng Langit. At ang sinumang tumanggap sa batang ito dahil sa aking pangalan ay tumatanggap sa akin. Huwag sana ninyong hamakin ang isa sa maliliit na ito; talagang sinasabi ko sa inyo na laging nasa harap ng aking Ama sa Langit ang kanilang mga anghel sa Langit. Ano sa palagay ninyo? Kung may sandaang tupa ang isang tao at naligaw ang isa sa mga ito, hindi ba niya iiwan sa kaburulan ang siyamnapu’t siyam para hanapin ang naliligaw? At sinasabi ko sa inyo: Kapag nakita niya ito, mas matutuwa pa siya rito kaysa siyamnapu’t siyam na hindi naligaw. Gayundin naman, ayaw ng inyong Amang nasa Langit na mawala isa man sa maliliit na ito.
Pagninilay
Sa pangkaraniwang pamilyang Pilipino, hindi masyadong pinahahalagahan ang mga bata. Hindi dapat makisali sa usapan, laging sumunod na lamang. Ngunit ibang iba ang turing ni Jesus sa mga bata. Sa ebanghelyo, binabalaan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na huwag hamakin ang maliliit na ito, sapagkat ang kanilang mga anghel ay laging nasa harap ng Diyos. Ang pahayag na ito ay nag-uudyok sa atin na igalang at pahalagahan ang lahat, lalo na ang mga mahihina at walang boses sa lipunan. Sa panahon ngayon, lumalaganap ang isang paglalapastangan sa mga bata na tinatawag na OSAEC (Online Sexual Abuse and Exploitation of Children). Ang mismong magulang ang kumukuha ng malalaswang larawan sa anak at mas masahol pa habang ito’y sekswal na inaabuso at ipagbibili ang mga maseselang larawan o video sa mga “pervert” na mga tao. Labanan natin ito sa pamamagitan ng pagiging mulat at pagreport sa mga kinauukulan. Mahalin natin ang mga bata katulad ng pagmamahal ni Jesus sa kanila at tularan sila sa kanilang kababaang-loob, pagtitiwala, at pagiging bukas sa iba.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





