Ebanghelyo: Mateo 14:13-21
Nang marinig ito ni Jesus, lumayo siya at namangka na sila-sila lang patungo sa ilang na lugar. Ngunit nalaman ito ng mga tao at sumunod sila sa kanya na naglalakad mula sa kanilang mga bayan. Pagdating ni Jesus sa pampang, nakita niya ang maraming taong nagkakatipon doon at naawa siya sa kanila. At pinagaling niya ang mga maysakit. Nang hapon na, lumapit sa kanya ang mga alagad at sinabi: “Nasa ilang na lugar tayo at lampas na ang oras. Paalisin mo na ang maraming taong ito para makapunta sila sa mga nayon at makabili ng kanikanilang pagkain.” Ngunit sumagot si Jesus: “Hindi na nila kailangang umalis pa; kayo ang magbigay sa kanila ng makakain.” Sinabi nila: “Wala kami rito kundi limang tinapay at dalawang isda.” Sinabi niya: “Akin na.” At iniutos niyang maupo sa damuhan ang makapal na tao. Kinuha niya ang limang tinapay at dalawang isda, tumingala sa langit, nagpuri, hinati ang mga tinapay at ibinigay sa kanyang mga alagad; at ibinigay rin nila sa mga tao. At kumain silang lahat at nabusog, at inipon nila ang mga natirang pira-piraso – labindalawang punong basket. Mga limanlibong lalaki ang napakain bukod pa sa mga babae at mga bata.
Pagninilay
Ipinapakita sa ebanghelyo ang kahalagahan ng pagkakaisa, habag, at pagbabahaginan sa harap ng pangangailangan. Ang nakakatuwa sa salaysay na ito ay ang pinagmulan ng limang tinapay at dalawang isda na siyang naging simula ng himala. Ito ay galing sa isang bata na nagkusang nagbahagi ng kanyang baon. Sa panahon ngayon, marami sa atin ang humaharap sa iba’t ibang anyo ng krisis—pagkagutom, kawalan ng tirahan, at iba pang mukha ng kahirapan. Ang kwento ay nagsisilbing paalala na sa pamamagitan ng pagkakaisa at pagbabahaginan, kahit ang limitadong yaman ay maaaring maging sapat upang matugunan ang pangangailangan ng lahat. Hinahamon tayo ni Jesus na maging bahagi ng solusyon sa mga suliraning panlipunan. Ang habag na ipinakita ni Jesus ay isang halimbawa ng tunay na pagkalinga—isang pagkalinga na hindi natitinag ng sariling kalungkutan o pagod. Tayo rin ay inaanyayahan na magpakita ng habag sa ating kapwa, ibahagi ang ating mga yaman, at magtulungan upang lumikha ng isang komunidad na nagmamalasakit. Ang mas malalim pang kahulugan ng kuwento na ito ay ang pagiging simbolo ng banal na komunyon. Binasbasan ni Jesus ang tinapay at isda at ibinihagi sa mga tao.
Sa Huling Hapunan, ganoon din ang ginawa ni Jesus. Binasbasan niya ang tinapay at ibinahagi sa mga alagad. Sa banal na Misa, binabasbasan din ng pari ang hostiya at ibinabahagi sa mga tao sa Komunyon.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





