Ebanghelyo: Lucas 8:19-21
Pinuntahan naman siya ng kanyang ina at mga kapatid pero hindi sila makalapit sa kanya dahil sa dami ng tao. May nagsabi sa kanya: “Nakatayo sa labas ang iyong ina at mga kapatid, at gusto kang makita.” Sumagot siya at sinabi sa kanila: “Ang mga nakikinig sa salita ng Diyos at nagsasagawa nito, sila ang aking ina at aking mga kapatid.”
Pagninilay
Sa ebanghelyo, ipinapakita ni Jesus na ang tunay na kaugnayan sa kaniya ay hindi nasusukat sa dugo o sa pormal na ugnayan, kundi sa pagsunod sa kalooban ng Diyos. Nang sabihin si Jesus na naroon ang kaniyang ina at mga kapatid, huwag nating intindihin ang sagot niya bilang pagtakwil sa kaniyang pamilya, kundi ipinaliliwanag Niya na mas mahalaga ang pagsunod sa salita ng Diyos kaysa sa pagkakaroon ng parehong dugo. Ang mensaheng ito ay nagbabalik sa atin sa diwa ng pagiging bahagi ng isang espiritwal na pamilya. Sa ating kultura, mahalaga ang pamilya at kadalasan, inuuna natin ang ugnayang ito. Ngunit tinuturo ni Jesus na ang espiritwal na pamilya, ang mga taong nagsusumikap na isabuhay ang kalooban ng Diyos, ay may mas malalim na kahulugan. Hindi sapat na kilalanin lamang si Jesus o maging bahagi ng isang relihiyon; ang tunay na kaugnayan ay nakasalalay sa pagsunod at pamumuhay ayon sa kaniyang mga aral. Ito ay hamon para sa ating lahat na maging mas malalim ang ating pananampalataya. Hinihikayat tayong suriin ang ating buhay: sinusunod ba natin ang salita ng Diyos sa araw-araw? Ang pagiging “kapatid” ni Kristo ay isang biyaya, ngunit may kalakip itong responsibilidad na isabuhay ang mga turo Niya.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





