Ebanghelyo: Juan 12:24-26
Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, namamalaging nag-iisa ang butil ng trigo kung hindi ito namamatay pagkahulog sa lupa. Ngunit kung mamatay ito, nagdudulot ito ng maraming bunga. Nagpapahamak ng kanyang sarili ang umiibig dito ngunit iingatan naman ito para sa buhay magpakailanman ng napopoot sa kanyang sarili sa mundong ito. Patuloy akong sundan ng naglilingkod sa akin at kung nasaan ako, naroon din ang aking lingkod. Kung may naglilingkod sa akin, pararangalan siya ng Ama.
Pagninilay
Binigyang-diin ni Jesus ang kahalagahan ng sakripisyo at paglilingkod. Hinahamon tayong lumampas sa tradisyonal na pag-unawa ng pananampalataya. Ang pagkamatay ng butil ay sumasalamin sa ating pagtanggap sa pagbabago at pagtalikod sa ating mga sarili para sa mas mataas na layunin. Tinatawagan tayo na buksan ang ating puso sa mga makabagong paraan ng paglilingkod sa komunidad, sa pamamagitan ng pagsusulong ng katarungan at pagkakapantaypantay. Mukhang ito ang nasa isipan ko at ng aking mga kasama noong kami’y pumasok sa kumbento, kung saan nagsasagawa ng isang ritwal bago kami matanggap sa noviciado at palitan ang pangalan namin. Sinulat namin sa papel ang ang aming mga pangalan sa bautismo at inihulog namin ang mga ito sa isang hukay sabay sa banggit ng “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, namamalaging nag-iisa ang butil ng trigo kung hindi ito namamatay pagkahulog sa lupa. Ngunit kung mamatay ito, nagdudulot ito ng maraming bunga.” Ang dalangin namin ay sana’y mamatay kami sa aming sarili, at sa pagbabago ng aming pangalan ay magkakaron ng espirituwal na bunga ang buhay namin. Ang pagiging alagad ni Kristo ay nangangahulugang handa tayong isuko ang ating mga kaginhawahan para sa kapakanan ng iba. Sa paggawa nito, hindi lamang tayo nabubuhay para sa ating sarili, kundi para sa pagbuo ng mas makatarungang mundo na nagbubunga ng tunay na kapayapaan at pagmamahalan.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





