Ebanghelyo: Juan 20:1-9 (o Mateo 28:1-10 o Lucas 24:13-35)
Ngayon, pagkatapos ng Araw ng Pahinga, habang madilim pa, maagang pumunta sa libingan si Maria Magdalena, nang makita niyang tanggal ang bato mula sa libingan, patakbo siyang pumunta kay Simon Pedro at sa isa pang alagad na mahal ni Jesus. Sinabi niya sa kanila: “May kumuha sa Panginoon mula sa libingan, at hindi namin alam kung saan nila siya inilagay.” Kaya lumabas si Pedro at ang isa pang alagad, at pumunta sa libingan. Sabay na tumakbo ang dalawa. Ngunit mas mabilis tumakbo kay Pedro ang isa pang alagad, at unang nakarating sa libingan. Pagkayuko niya’y nakita niyang nakalatag ang mga telang linen pero hindi siya pumasok. Dumating namang kasunod niya si Simon Pedro, at pumasok sa libingan. Napansin niya ang mga telang linen na nakalatag, at ang panyo namang nakatalukbong sa ulo niya ay di kasama sa mga telang linen na nakalatag kundi hiwalay na nakabilot sa mismong lugar nito. Pumasok noon ang isa pang alagad, ang unang nakarating sa libingan, at nakita niya at siya’y naniwala. Sapagkat hindi pa nila alam ang Kasulatan na kailangan siyang magbangon mula sa mga patay.
Pagninilay
“May kumuha sa Panginoon mula sa libingan, at hindi namin alam kung saan nila siya inilagay.” Magdalena, mahal naming Magdalena! Nasaan ang Panginoon? Hindi ba’t inyo siyang taimtim na binalutan ng kayong lino? Naroon pa nga ang mahal na Ina ng Panginoon. At sa nanunuot na
pagdurusa ay inyong inihiga ang Diyos sa kaniyang libingan. At para sa lahat ng nagdadalamhati ay ito na! Ito na ang huling hantungan ng Panginoong sinundan at sinamahan sa loob ng panahon ng pagpapahayag ng kalooban at kaharian ng Diyos. Tinakbo mo ang lansangan ng lungkot at kabiguan pabalik sa mga matalik na kaibigan ni Jesus. Sa kanila’y isinigaw ang simula ng landas ng katuparan. May naniwala ba? O puno ng duda na binalikan ang yungib sa pagnanais na maalala ang sambit ng Panginoon bago siya nawalay sa kanila? Nasaan ang Panginoon? Katanungan din ni Pedro at ng disipulong Mahal ng Panginoon. Hindi namin alam kung saan siya inilagay? Bakit hindi Ninyo alam? Saan natin siya hahanapin ngayon? Mahirap hanapin ang isang minamahal lalo na’t siya pa ang Panginoon ng pangako kung ang iyong pananaw at paninindigan ay nanatili lamang sa iyong isipan at kaalaman. Hindi kahit kailan man natin siya matatagpuan doon. Halina at arukin natin ang lalim ng ating loob at damdamin dahil nasa puso at pananampalataya lamang natin siya masisilayan at makikilala. Mabuhay ka O Panginoon! Viva Cristo Rey! Muli kang nabuhay una sa aming kalooban at ikalawa sa tunay na buhay! Muli kang nabuhay mula sa dilim ng aming kaluluwa tungo sa Liwanag ng aming diwa! Saan ka inilagay? Alam namin! Nakatindig ka sa Burol ng aming Kaligtasan! Sa puno ng Muling Pagkabuhay! Aleluya! Amen!
© Copyright Pang Araw-araw 2026





