Ebanghelyo: Mateo 28:8-15
Agad nilang iniwan ang libingan na natatakot at labis na nagagalak, at tumakbo sila para balitaan ang kanyang mga alagad. Nakasalubong nila sa daan si Jesus at sinabi niya: “Kapayapaan.” Paglapit sa kanya ng mga babae, niyakap nila ang kanyang mga paa at sinamba siya. Sinabi naman ni Jesus sa kanila: “Huwag kayong matakot. Humayo kayo at sabihin sa aking mga kapatid na pumunta sila sa Galilea; doon nila ako makikita.” Samantalang pabalik ang mga babae, nagbalik naman sa lunsod ang ilang mga bantay at ibinalita sa mga punong-pari ang lahat ng nangyari. Nakipag-usap naman ang mga ito sa mga Matatanda ng bayan kaya kumuha sila ng sapat na halaga at ibinigay sa mga sundalo, at tinagubilinan silang “Sabihin ninyong dumating nang gabi ang kanyang mga alagad at ninakaw ang katawan habang natutulog kayo. Kung mabalitaan ito ng gobernador, kami ang bahala sa kanya at hindi kayo magkakaproblema.” Tinanggap ng mga sundalo ang pera at ginawa ang itinuro sa kanila; at laganap pa hanggang ngayon ang kuwentong ito sa mga Judio.
Pagninilay
“Huwag kayong matakot! Humayo kayo at sabihin sa aking mga kapatid na pumunta sila sa Galilea, doo nila ako makikita.” Tayo’y napupuno ng galak at napupuspos ng pagnanasa! Makikita nating muli ang ating Panginoon! Tumataba ang ating puso dahil hindi lang tayo kinilalang kaniyang mga alagad pero tinawag at kinilala niya tayo bilang mga kapatid. At tayo’y pinaglalakbay pabalik sa Galilea. Bakit doon? Anong meron sa Galilea? At paano natin siya makikita roon? Gaya ng mga apostoles, pinauuwi niya tayo upang matanto nating muli ang daan ng kaniyang pinagmulan. Nang maalala natin ang mga karanasan, turo, kilos, pinagsamahan, ang kaugnayan natin kay Jesus at sa ating mga kasama at kalakbay. Nang mapalakas nating muli ang ating hangarin at patutunguhan sa buhay. Sa Galilea si Jesus nagsimula, sa Galilea rin tayo muling magsisimula! Kung kaya’t sa buhay at misyon natin, huwag natin makalimutang umuwing lagi sa Galilea ng ating pagkakatalaga at sa pagkapit natin sa pangako ng Panginoon.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





