Ebanghelyo: Juan 20:11-18
Nakatayo namang umiiyak sa labas si Maria sa may libingan. Sa kanyang pagiyak, yumuko siyang nakatanaw sa libingan. At may napansin siyang dalawang anghel na nakaputi na nakaupo, isa sa may ulunan at isa sa may paanan ng pinaglagyan sa katawan ni Jesus. Sinabi sa kanya ng mga iyon: “Ale, bakit ka umiiyak?” Sinabi niya sa kanila: “May kumuha sa Panginoon ko, at hindi ko alam kung saan siya inilagay.” Pagkasabi niya nito, tumalikod siya at napansin niya si Jesus na nakatayo pero hindi niya nakilalang si Jesus iyon. Sinabi sa kanya ni Jesus: “Ale, bakit ka umiiyak? Sino’ng hinahanap mo?” Sa pagaakala niyang iyon ang hardinero, sinabi niya sa kanya: “Ginoo, kung kayo ang nagdala sa kanya, sabihin n’yo sa akin kung saan n’yo siya inilagay at kukunin ko siya.” Sinabi sa kanya ni Jesus: “Maria!” Pagkaharap niya’y sinabi niya sa kanya sa Aramaiko: “Rabbouni!” (na ibig sabihi’y Guro). Sinabi sa kanya ni Jesus: “Huwag kang humawak sa akin sapagkat hindi pa ako nakaaakyat sa Ama. Puntahan mo ang mga kapatid ko at sabihin sa kanila: ‘Paakyat ako sa Ama ko at Ama ninyo, sa Diyos ko at Diyos ninyo.’” Pumunta si Maria Magdalena na ibinabalita sa mga alagad: “Nakita ko ang Panginoon.” At sinabi niya ang mga sinabi sa kanya.”
Pagninilay
“Sino ang hinahanap mo?” Napakaraming karanasan na humagupit sa buhay natin. Mga kalakaran ng mundo na nagpabigat sa ating pangangatawan at lalo na sa ating kalooban. Ang mga sakit at pasakit ng mga nagdaang panahon ay nakapako sa alaala at pakiramdam. Tulad ni Magdalena na iyon lang ang nakikita kung kaya’t ang puso ay may hinahanap na katotohanan. Napakapait ng eksena ng Jerusalem, Praetorio, Golgota’t Yungib. Dahil sa matindi at malalim na lungkot at kawalan ng pag-asa, hindi na natin maaninagan ang mukha ng ating Panginoon. Di na maalala ang kaniyang mga salita. Nasaan na ngayon siya? “Nakita ko ang Panginoon!” Paningin at pandinig mula sa kaloobang nagtitiwala ang siyang makapagbubukas sa tunay na mata at tenga ng abang tao. Sa sinserong paniniwala sa mga pangakong nabigkas ng Diyos na nagmamahal ang magpapatingkad ng paningin natin at makita ang kaniyang mukha at magpapalinaw ng pandinig natin sa kaniyang tinig sa diwa ng ating pananampalataya. Nang sa gayon, maipapahayag nating tunay, “Nakita Ko ang Panginoon!”
© Copyright Pang Araw-araw 2026





