Ebanghelyo: Marcos 16:9-15
Pagkabuhay ni Jesus sa unang araw ng sanlinggo, una siyang napakita kay Maria Magdalena na mula rito’y pitong demonyo ang pinalayas niya. Umalis ito at nagbalita sa mga kasama ni Jesus na noo’y umiiyak at nagluluksa. Ngunit hindi sila naniwala sa kanya nang marinig nilang buhay si Jesus at napakita sa kanya. Pagkatapos nito, napakita naman si Jesus sa ibang anyo sa dalawa sa kanila habang papunta sila sa labas ng bayan. At pagbalik nila, ibinalita rin nila ito sa iba pa pero hindi rin naniwala ang mga ito sa kanila. Sa dakong huli, nang nasa hapag ang Labing-isa, napakita sa kanila si Jesus at pinagsabihan sila dahil sa kawalang-paniwala nila at katigasan ng puso: hindi nga nila pinaniniwalaan ang mga nakakita sa kanya matapos siyang buhayin. At sinabi sa kanila: “Pumunta kayo sa buong daigdig at ipahayag ang ebanghelyo sa buong sangkinapal.
Pagninilay
Para patotohanan ng Panginoon ang katiyakan ng kaniyang muling pagkabuhay, ipinararanas niya ang kaniyang banal na presensya sa piling ng kaniyang sambayanan. Ito ay sa pamamaraan ng mga kabutihang nagaganap sa mga karanasan ng tao at sa mga sitwasyon ng buhay. Sa mga panahon ng pagbabahaginan ng pagmamahal, pagpapakumbaba at malasakit sa tao. Sa mga sandali ng pagpapatawad at pagbabalik-loob sa Diyos at sa kapwa. At marami pang ibang pagpapakita ng Panginoon ng kaniyang muling pagkabuhay sa ating mundo. Laganap at sagad ang pagpapatunay ng Diyos ng kaniyang pangako ng buhay at kaligtasan. Pero sa totoo lang, hindi lubos ang paniniwala at hindi agad ito pinaniniwalaan. Ang lahat ng patunay ng Panginoon sa buhay ngayon ay madalas pinagdududahan. Ang Panginoon ay muling nabuhay upang iparamdam sa atin na sa kabila ng ating mga pagdududa at kakulangan ay nararamdam pa rin natin ang init ng kaniyang presensya. Kaya’t tayo’y pinagkatiwalaang
muli at pinadalang magpahayag ng katotohanan ng Mabuting Balita.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





