Ebanghelyo: Juan 6:1-15
Pagkatapos nito, nagpunta si Jesus sa kabilang ibayo ng dagat ng Galilea sa may Tiberias. Sinusundan siya ng makapal na tao dahil napansin nila ang mga tandang ginagawa niya sa mga maysakit. Umahon si Jesus sa bundok at naupo siya roon kasama ang kanyang mga alagad. Malapit na ang Paskuwa na piyesta ng mga Judio.
Kaya pagkatunghay ni Jesus at pagkakita niyang marami ang taong pumupunta sa kanya, sinabi niya kay Felipe: “Saan kayo makabibili ng tinapay para makakain ang mga ito?” Sinabi niya ito bilang pagsubok sa kanya dahil alam na niya kung ano ang napipinto niyang gawin. Sumagot sa kanya si Felipe: “Dalawandaang denaryong tinapay ay hindi sapat sa kanila para makakuha ng tigkakaunti ang bawt isa.”
At sinabi naman sa kanya ng isa sa kanyang mga alagad na si Andres na kapatid ni Simon Pedro: “May maliit na bata rito na may limang tinapay na sebada at dalawang isda. Ano ito para sa pagkarami-raming tao?”
Madamo sa lugar na iyon kaya sinabi ni Jesus: “Paupuin n’yo ang mga tao.” Kaya nag-upuan sila, halos limanlibo ang mga lalaki.
Kaya kinuha ni Jesus ang mga tinapay at pagkapagpasalamat, at ipinabigay sa mga nakaupo. Gayundin naman sa mga isda – gaano man ang gustuhin nila. Nang busog na sila, sinabi niya sa kanyang mga alagad: “Tipunin ninyo ang natirang mga piraso para walang masayang.” Kaya tinipon nila ang mga tira ng mga pinakain, at labindalawang bakol ang napuno ng mga pira-piraso mula sa limang tinapay na sebada.
Pagkakita sa tandang ginawa ni Jesus, sinabi ng mga tao: “Ito ngang talaga ang Propeta parating sa mundo.” At alam ni Jesus na parating sila upang agawin siya para gawing hari kaya lumigpit siyang muli na siya lamang mag-isa sa bulubundukin.
Pagninilay
“Paupuin n’yo ang mga tao.” Napakagandang larawan ang pagmasdan ang libong taong nakaupo sa madamong lugar na iyon. Larawan ito ng luntiang pastulan, handog na himlayan ng Mabuting Pastol (Salmo 23:2). At mula roon, sa pamamagitan ng himala ng pagpaparami ng tinapay at isda, ay pinakain ang mga nagugutom na naroroon. Hindi nga ba’t larawan ito ng isang sambayanan na nagkakatipon- tipon upang pagsaluhan ang Tinapay ng Buhay sa Banal na Eukaristiya? Ito ang larawan ng Sambayanan ng Diyos. Pinagkakaisa tayo ng Katawan ni Kristo. Sa ating sama-samang pagkaka-upo sa luntiang damuhan, nagkaroon ng pagkakakilanlan, pakikinig at pagbabahaginan, pagkakaisa at pagdadamayan. Patuloy nawang maganap ang larawang ito.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021