Ebanghelyo: Lucas 17:7-10
Ipagpalagay nang may katulong na nag-aararo o nag-aalaga ng mga tupa ang isa sa inyo. Ano’ng sasabihin niya rito pagbalik nito galing sa bukid? Sasabihin kaya niya: ‘Halika na’t dumulog sa hapag’? Sa halip ay sasabihin niya: ‘Ihanda mo ang aking pagkain; magbihis ka’t pagsilbihan ako habang kumakain ako’t umiinom, at saka ka na kumain at uminom.’ Dapat kaya kayong tumanaw ng utang-na-loob sa utusang iyon dahil ginawa nito ang iniutos? Gayundin naman sa inyo. Pagkagawa ninyo sa lahat ng iniutos sa inyo, sabihin ninyo: ‘Mga karaniwang utusan kami; ginawa lang namin ang dapat naming gawin’.”
Pagninilay
Sa isang article sinulat ni F. Sionil José, tinukoy niya ang isa sa di magandang aspeto ng ating kultura: “Tayo ay mahilig magpasikat – gumagastos tayo nang labis sa mga ‘status symbol’ kaysa gamitin ang pera sa mas kapaki-pakinabang na bagay.” Sabi pa ng ilan ay, “matalo na sa yaman, huwag lang sa yabang.” Nag-uugat ang kayabangan sa pagtanggi sa katotohanan. Dahil ayaw nating tanggapin ang tunay na estado sa buhay, nagtatago tayo sa likod ng pagkukunwari. Inilarawan sa aklat ng Genesis na ang kayabangan ay nagdadala sa kapahamakan. Nagsimula ang kasalanan nang tanggihan ni Adan ang kanyang estado bilang ‘nilikha’ at hinangad niyang makapantay ng Lumikha. Ipinaalaala ng ebanghelyo ang ating tunay na katatayuan: “tayo’y aliping walang kabuluhan ginagawa lamang natin ang ating mga tungkulin.” Wala tayong dahilan para mag- “feeling entitled.” Sa harap ng Diyos, wala tayong dapat ipagmalaki. Ang lahat nating ginagawa ay bahagi lamang ng ating gampanin bilang lingkod. Taglay ang kaisipang ito, ang kayabangan ay mapapalitan ng kababaang-loob. Ito ang diwa ng Simbahang Sinodal, kung saan lahat ay kapwalingkod na sama-samang naglalakbay tungo sa Kaharian ng Ama.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





