Ebanghelyo: Mateo 25:1-13
Tinutukoy ng kuwentong ito ang mangyayari sa kaharian ng Langit. Sampung abay na dalaga ang lumabas na may dalang lampara para sumalubong sa nobyo. Hangal ang lima sa kanila, at matalino naman ang lima pa. Dinala ng mga hangal na abay ang kanilang mga lampara nang walang reserbang langis. Ngunit dinala naman ng matatalino ang kanilang mga lampara na may reserbang langis. Natagalan ang nobyo kaya inantok silang lahat at nakatulog. Ngunit nang hatinggabi na, may tumawag: ‘Dumarating na ang nobyo; lumabas kayo at salubungin siya!’ Nagising silang lahat noon at inihanda ang kanilang mga lampara. Sinabi ng mga hangal sa matatalino: ‘Bigyan naman ninyo kami ng inyong langis dahil mahina na ang ningas ng aming mga lampara.’ Sumagot ang matatalino: ‘Baka kulangin ang langis para sa amin at para sa inyo. Mabuti pang pumunta kayo sa mga nagtitinda at bumili para sa inyo.’ Nakaalis na sila para bumili nang dumating ang nobyo; ang mga handa na ay sumama sa nobyo sa kasalan, at isinara ang pinto. Pagkatapos ay saka dumating ang iba pang mga dalaga at tumawag: ‘Panginoon, Panginoon, pagbuksan kami!’ Ngunit sumagot siya: ‘Talagang sinasabi ko sa inyo: hindi ko kayo kilala.’ Kaya magbantay kayo sapagkat hindi ninyo alam ang araw o ang oras.’
Pagninilay
Ano ang nagpapaalab sa ating puso? Bakit hindi tayo napapagod gumawa ng mabuti? Ang sagot, dahil hindi tayo nagsasawang umasa at mangarap. Sabi ng isang manunulat, ang pinakamahirap na tao sa buong mundo ay hindi yaong walang salapi, kundi ang taong walang pangarap. Ang ating pangarap ang bumubuhay sa ating damdamin upang buong tapang na tahakin ang landas ng katwiran at kabutihan. Kung wala nito, hindi magniningas ang apoy ng kasigasigan sa ating mga puso. Sa sandaling tumigil tayong mangarap, magsisimulang umandap ang ating ilawan. Mawawalan tayo ng gana sa buhay. Ayon sa aklat ng Kawikaan: “Where there is no vision the people perish” [28:19]. Sa ebanghelyo, itinuring na ‘matalino’ ang mga limang dalagang napanatiling nagniningas ang mga ilawan. Taglay ang alab ng puso, nakabahagi sila sa kasayahan ng piging sa kasalan. Subalit, tulad ng langis sa ilawan, hindi ito maaaring ipahiram o ipagamit sa iba. Ibig sabihin, personal ang pananagutan natin Diyos sa ating buhay. May liwanag pa ba ang ating mga ilawan o baka aandap-andap na? May alab pa ba ang ating puso sa paglilingkod sa Diyos at sa kapwa? Gaya ng lagi nating naririnig, “Laban lang… huwag susuko.” Patuloy na umasa at mangarap. Pagyamanin natin ang mga kaloob na mayroon tayo. Sa sandali ng pagsusulit, magbubunga rin ang mga biyaya ng Diyos sa iba’t ibang paraan ng paglilingkod.
© Copyright Pang Araw-araw 2026





