Ebanghelyo: Juan 6:16-21
Nang magtakipsilim na, lumusong sa aplaya ang kanyang mga alagad, at pagkasakay sa bangka ay nagpakabilangibayo ng dagat pa-Capernaum. Dumilim na at wala pa sa kanila si Jesus: at magalaw ang dagat sa malakas na ihip ng hangin. Pagkasagwan nila nang may lima o anim na kilometro, napansin nilang naglalakad si Jesus sa dagat at palapit sa bangka. Nasindak sila. Ngunit sinabi niya sa kanila: “Ako siya; huwag kayong matakot.” Nang isasakay na nila sa bangka, bigla namang nasa pampang na na pupuntahan nila ang bangka.
Pagninilay
Hindi lahat ng paglalakbay na ginagawa natin ay mapayapa. Kung susuriin nating maigi, nakasisigurado ako na mas marami ang panahon ng unos na ating naranasan at napagdaanan. Hindi rin lahat ng bagyo ay nasa panlabas na karanasan ng mundo dahil sa pang araw araw na takbo ng buhay ay marami at malawak ang bagyo na nagaganap sa kalaliman ng loob ng tao. Doon sa karagatan at kaibuturan ng saloobin at diwa natin at sa isipan at konsensya ng tao ay may mga nagtutunggaliang mga unos. Kaya sa kabila na ang buhay natin ay nagpapamalas ng payapang katauhan, hindi naman maiiwasan na ito’y hampasin ng daluyong at malalaking alon ng dagat sa kanyang kalooban. Walang kapayapaan ang diwang nababalot sa takot at kawalang kasiguruhan. Mga panahon na nauusal nating nasaan ang Diyos? Gayunpaman, huwag tayong mangamba o matakot! Buksan ang kailaliman ng ating kalooban at naroroon ang ating Panginoon. Hindi niya tayokailanman iiwan sa gitna ng mga katiwalian, sakuna, kaguluhan, at suliranin. Pakinggan natin ang Panginoon na nagsasabi sa atin na, “Narito ako! Kasama mo ako! Di kita iiwan!” Mula sa paninindigan, paniniwala, at pagtitiwala natin sa Diyos! Huwag tayong matakot!
© Copyright Pang Araw-araw 2026





