Ebanghelyo: Mateo 18:15-20
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Kung nagkasala sa iyo ang iyong kapatid, puntahan mo siya at kausapin nang sarilinan; at kung makinig siya sa iyo, tinubo mo na ang iyong kapatid. Kung hindi naman siya makinig sa iyo, magsama ka ng dalawa o tatlo para lutasin ang kaso sa pagsaksi ng dalawa o tatlo. Kung tatanggi siyang makinig sa kanila, sabihin ito sa Iglesya; at kung hindi pa rin siya makikinig sa Iglesya, ituring siyang pagano o publikano. “Talagang sinasabi ko sa inyo: ang talian ninyo sa lupa ay matatali rin sa Langit, at ang kalagan ninyo dito sa lupa ay kakalagan din sa Langit. “Sinasabi ko rin sa inyo: kung dito sa lupa ay may dalawa sa inyo na nagkakaisang humihingi ng anuman, gagawin ito para sa kanila ng aking Amang nasa Langit. Sapagkat kung saan may dalawa o tatlong nagkakatipon sa Ngalan ko, kapiling nila ako.”
Pagninilay
Ano kaya ang asal natin pag may nagkakamali o gumawa sa atin ng hindi maganda? Baka narinig na natin ang ganitong pananalita: “siya ang may kasalanan sa akin, kaya siya ang dapat lumapit sa akin at humingi ng tawad.” Ganyan din ba tayo minsan? Sa ebanghelyo, parang baliktad yata ang nakasulat, ikaw ang gagawa ng unang hakbang kung may nagkasala sayo. Ngunit minsan mas pinipili natin itsismis sa ibang tao, ng may dagdag at bawas pa tungkol sa nangyari, kaysa humarap sa taong mali. Minsan naman pinagsasabihan ang tao, pero dahil walang pag-ibig at galit ang umiiral, walang pagbabago. Minsan naman mas pinipiling manahimik na lang para di na lumaki ang gulo. Hindi yata ito ang pinakamabuti para magkaayos. Kapag magbibigay tayo ng corrections sa ating kapwa, sana may kalinga at totoong concern. Ipagdasal natin sa ating Diyos na turuan tayong magbigay ng mga payo na nakakapagbagong-buhay.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020