Ebanghelyo: Mateo 19:16-22
Nang oras ding iyon, may binatang lumapit kay Jesus at nagtanong: “Guro, anong mabuti ang dapat kong gawin para makamit ang buhay na walang hanggan?” Sumagot si Jesus: “Bakit tungkol sa mabuti ang tanong mo? Iisa lang ang Mabuti. Kung gusto mong pumasok sa buhay na walang hanggan, sundin mo ang mga utos.” At sinabi naman ng binata: “Anong mga utos?” Sumagot si Jesus: “Huwag papatay, huwag makiapid, huwag magnakaw, huwag manirang-puri ng kapwa, igalang ang iyong ama at ina, at mahalin ang iyong kapwa gaya ng pagmamahal mo sa iyong sarili.” At sinabi sa kanya ng binata: “Sinunod ko ang lahat ng ito, ano pa ang kulang ko?” At sinabi ni Jesus: “Kung gusto mong maging ganap, umuwi ka’t ipagbili ang mga ari-arian mo at ibigay ang pera sa mga dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa Langit. At saka ka bumalik para sumunod sa akin.” Pagkarinig ng binata sa pahayag na ito, umalis siyang malungkot sapagkat napakayaman niya.
Pagninilay
“Bakit ako mangungumpisal?’’ tinanong ako ng kaibigan ko, ‘’hindi ako pumapatay, hindi ako nagnanakaw, hindi rin ako gumagamit ng droga…mabait naman ako eh!’’ Kahit mabait ka na, makatutulong pa rin ang sakramento ng pakikipagkasundo sa paglilinis ng iyong sarili. Sa bawat hakbang ng ating buhay, hinahamon tayong umakyat papalapit sa langit, kung saan hinahanda ang ating kayamanan. Kapag kumportable ka na sa buhay, at sa tingin mo mabait ka na at wala ka nang dapat gawin para sa Diyos, wala ka ng ginagawa. Pero kung tatanungin mo ang iyong sarili, o ang Diyos, kung ano pa ang pwede mong ialay, maging handa ka sa sagot. Malungkot na umuwi ang binata ng marinig ang sinabi ni Jesus. At ikaw naman, malungkot ka din bang uuwi, o masaya mong susunduin ang payo ni Jesus?
© Copyright Pang Araw-Araw 2020