Ebanghelyo: Juan 1:1-18
Sa simula’y naroroon na nga ang Wikang Salita, at naroroong kaharap ng Diyos ang Salita, at Diyos ang Salita. Naroroon na nga siyang kaharap ng Diyos sa simula.
Sa pamamagitan niya nayari tanang mga bagay, at hiwalay sa kanya’y walang anumang nayari. Ang niyari ay sa kanya nagkabuhay, at ang buhay ang liwanag para sa mga tao. Nagningning sa karimlan ang liwanag at di ito nasugpo ng karimlan.
May taong sugo ang Diyos – Juan ang kanyang pangalan. Dumating siya para sa pagpapatunay, para magpatunay tungkol sa Liwanag, upang makapanalig ang lahat sa pamamagitan niya. Hindi siya mismo ang Liwanag, kundi para magpatunay tungkol sa Liwanag. Pagkat paparating noon sa mundo ang Liwanag na totoo na siyang nagliliwanag sa bawat tao.
Nasa mundo na nga siya, ang mundong nayari sa pamamagitan niya, at di naman siya kinilala ng mundo. Sa sariling kanya siya dumating at hindi siya tinanggap ng mga kanya. Ngunit sa lahat ng tumanggap sa kanya sa pananalig sa kanyang Pangalan, binigyang-kakayahan nga niya sila na maging mga anak ng Diyos.
Ipinanganak nga sila, hindi mula sa dugo, ni mula sa kagustuhan ng laman, ni sa kagustuhan ng lalaki kundi mula sa Diyos.
At naging laman ang Wikang-Salita, at itinayo ang kanyang Tolda sa atin, at nakita natin ang kanyang Luwalhati. Luwalhating mula sa Ama na bagay sa bugtong na Anak, lipos ng Kagandahang-loob at Katotohanan.
Nagpapatunay sa kanya si Juan at isinisigaw: “Siya ang sinabi kong ‘Nauna na sa akin ang dumating na kasunod ko, pagkat bago ako’y siya na’.”
Mula sa kanyang kapuspusan nga tumanggap tayong lahat oo, abutabot
na kagandahangloob. Sa pamamagitan ni Moises ibinigay ang Batas, sa pamamagitan naman ni Jesucristo dumating ang Kagandahang-loob at Katotohanan. Kailanma’y walang sinumang nakakita sa Diyos; ang Diyos na Anak na bugtong siyang nasa kandungan ng Ama – ang nagpahayag sa kanya.
Pagninilay
Lahat ay nagsasaya sa Birthday ng Diyos Anak na naging tao. May kanya-kanyang kadahilanan: ang mga bata ay may tinatanggap na regalo, ang mga ninong at ninang ay nagbibigay ng mga regalo, ang mga magkasintahan, mga magkaibigan, mga magkasama sa trabaho, mga mag-asawa, mga magkaklase at maraming pang iba ay nagpapalitan naman ng mga regalo. Lahat ay may ibinibigay at lahat ay may tinatanggap! Pero saan nanggaling itong gawain na pagbibigay ng regalo?
Nang magkasala ang ating unang mga magulang inilayo nila tayo sa Diyos. Mula noon nasadlak na tayo sa pagkakasala at mapapait na bunga nito n sa huli ay ang kamatayan.
Pero hindi sumuko ang Diyos. Nagkatawang tao ang Ikalawang Persona at bilang tao gagawin Niya ang nabigong gawin ng ating unang mga magulang. Si Jesus ay tatalima sa kalooban ng Diyos sa bawat sandali ng Kanyang buhay hanggang sa huling hininga.
Sa ganitong diwa, muling magniniig ang Diyos at ang tao, ang Maylalang at ang nilalang. Ito ang sinasabi ng Ebanghelyo: Mula sa Kanyang kapuspusan nga tumanggap tayong lahat, oo, abut-abot na kagandahang-loob. Sa pamamagitan ni Jesucristo dumating ang Kagandahang-loob at Katotohanan. At ang pinakamaganda ay binigyang- kakayahan tayo na maging mga anak ng Diyos. Bilang bunga, makikihati tayo sa pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagkakaisa at buhay na walang hanggan ng Diyos. Ito ang pinakadakilang maaaring tanggapin ninuman. Ito ang regalo mula sa Diyos Ama, si Jesucristo na Diyos Anak. Ano naman ang regalo natin sa Diyos?
© Copyright Pang Araw-Araw 2022





